ABALA NA ang lahat sa paghahanda kung saan sila magbakasyon ngayong Semana Santa.
Siyempre ako sa bahay lang dahil ‘yun lang ang panahong makapaglinis sa bahay at makapagnilay-nilay siyempre.
Bukod sa pagsisimba at pagdarasal sa simbahan, nadagdagan ang schedule ko. Kailangan ko ring pumunta sa Camp Crame dahil siyempre kailangan ko ring dalawin sina Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada na nagdurusa sa init sa kanilang detention cell.
Kailangan naman silang dalawin doon dahil kapag ganitong bakasyon, nalulungkot ‘yan sila at hindi sila makapagbakasyon.
Tuwing Holy Week, madalas nasa Boracay si Bong kasama ang buong pamilya. Ngayon lang sila hindi puwedeng lumabas dahil hindi naman nila puwedeng iwan si Bong sa Crame.
Kaya sama-sama sila roon kahit mainit.
Nu’ng nakaraang Sabado nga, malungkot si Bong dahil hindi man lang niya madaluhan ang graduation ng anak niyang si Loudette.
Nag-submit ng motion ang mga abogado ni Bong sa Sandiganbayan na kung puwede siyang makadalo sa graduation ni Loudette sa high school.
Proud na proud pa naman si Bong kay Loudette dahil napakatalino nito. Tatanggap siya ng apat na awards at gusto siyempre ng anak niyang si Papa niya ang aakyat ng stage para isabit ang medalya. Pero hindi ito napagbigyan ng korte kaya si Jolo na lang muna ang nag-proxy.
Pagkatapos ng graduation nito sa La Salle Zobel, tumuloy na silang lahat sa Camp Crame para makasama nila ang kanilang ama.
Malungkot siyempre, pero ayaw na nilang magpakalungkot nang husto dahil wala naman silang magagawa, ‘no! Kaya masaya na rin silang lahat sa achievement ni Loudette.
Pagkatapos mag-graduate ni Loudette sa high school, balak niyang mag-aral ng Medicine sa UP. Pero hindi pa rin sure sa school, dahil lahat naman na entrance exam na kinuha ni Loudette napasahan niya, ‘no!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis