FULL SUPPORT ang pamilya at mga kaibigan ni Sen. Bong Revilla sa Senado sa kanyang privilege speech last Monday. Binasag na nito ang pananahimik for 5 months dahil sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa pork barrel scam. Tinimbang niya ang mga bagay-bagay lalo na ang payo ng kanyang abogado na huwag na siyang makipagsagutan.
“Pero nandito ako, walang halong kaba. Utang ko po sa mga bumoto sa akin na marinig ang aking sagot at putulin na ang kanilang paghihintay. Naiintindihan ko ang galit ng ibang tao. Ako rin ay magagalit din kung hindi ko pa naririnig ang buong katotohanan. Katulad ng ating mga kababayan, naghahanap din ako ng katarungan kahit sino pa ang tamaan,” pasimulang sabi ng senador.
Sinabi rin ni Sen. Bong na paulit-ulit na binabanggit ang kanyang pangalan na kumita at nagbulsa ng pera ng bayan sa pamamagtan ng NGO. “Pero sa makailang ulit na magharap ng kanilang paboritong whistle blower sa Senado at sa media, paulit-ulit naman nilang sinasabi na hindi nila ako kakilala at kahit minsan ay hindi nila ako inabutan ng pera. Ganunpa man, pilit pa rin nila akong sinasangkot sa eskandalo. Kitang-kita na sila mismong whistle blowers at ilan pa nilang kasabwat ang may kagagawan ng lahat. Inamin ng kanilng whistle blower na eksperto siya sa panggagaya ng pirma. Ibig sabihin, sila mismo ang gumagawa ng lahat ng dokumento mula sa endorsement ng proyekto at mismong notaryo hanggang mailabas ang pondo. For the record, Mr. President, I have nothing to do with this scam, those whistle blowers or Janet Lim Napoles. I have no dealing and transaction with them.
Ang ipinagtataka ni Sen. Bong, sa halip daw na kasuhan dahil sa pamemeke ng pirma ng mga bambabatas, mas pinili nilang gawin itong testigo laban sa kung sinu-sino para lang mabuo na sirain ang pagkatao ng senador na sa tingin nila magiging tinik sa lalamunan nila sa 2016.
“Isinusumpa ko sa halos dalawang milyong botante na bomoto sa akin na hindi po ako nag-traydor sa inyo. Bigyan po ninyo ako ng pagkakataon na linisin ang aking pangalan. Huwag po sana ninyo akong husgahan. Sa halos dalampung taon kong paglilingkod sa bayan bago ang issue ito, ni minsan hindi ako nakasuhan ng katiwalian at walang ni isang kaso ang isinampa laban sa akin,” dugtong pa ng actor/politician.
Ayon kay Sen. Bong, may balita na may pagkilos na bahiran ang kanyang naipundar. “Gusto pa nilang galawin ang mga bunga ng aking pagsisikap para ako ay patahimikin. Lilinawin ko lang, Ginoong Pangulo, lahat ng mayroon ako ngayon ay mula sa aking pawis at sa marangal na paraan. Sa murang edad na labing anim, naguumpisa na po akong magtrabaho. Nagsipag, nagsikap para magkaroon ng mabuting tahanan at disenteng kabuhayan. I’ve been working for 30 years. Kung anuman po mayroon ako, at ang aking pmilya, ang lahat po nito ay pinaghirapan ko sa magdamag na shooting at daang pelikula. Maghapon at magdamag na taping ng mga TV show. Mga product endorsement at mga commercial.
“Hanggang ngayon nagtratrabaho ako sa labas ng gobyerno para sa kabuhayan ko at ng aking pamilya ganu’n din ang aking asawa. Ginagawa namin ito para malinaw na hindi namin kinukuha sa pera ng tao ang aming ikinabubuhay. Utang na loob ko po sa mga Pilipino, mga tagahanga ko, sa lahat nang nagmamahal sa akin kung nasaan ako at kung sino ako ngayon. Hindi po ako magiging Bong Revilla kung hindi dahil sa kanila. Mula sa pagiging artista at hanggang maging bise- gobernador at gobernador ng lalawigan ng Cavite. Naging chairman ng VRB at ngayon nga, senador ng ating bansa. ‘Yan ang dahilan kung bakit imposible ‘yung ibinibintang nila sa akin ngayon. Hindi ko kayang talikuran ang pagtitiwala at pagmamahal sa akin ng ating mga kababayan. Sila ang dahilan ng aking paninilbihan at alang-alang sa kanila, ipagpapatuloy ko ang aking laban,” makabuluhang pahayag ni Sen. Bong.
“Ang nakakalungkot lang Ginoong Pangulo, dahil lang sa pulitika, ang aking pangalan at ang aming pagkatao at lahat ng bunga ng aking pagsisikap ay basta na lang ginigiba at sinisira. Para na nila akong pinatay, Mr. President. Pinatay, unti-unti na tinatalupan ng buhay, hinihiwa ng blade ang buong katawan na lumalatay sa aking pamilya. Ang hirap lang, sa hangad mong tumulong ay ikaw pa ngayon ang ikukulong. Gusto ko pong ipaabot sa mga minahal nating kababayan na ang lahat ng ito ay palabas lamang ng gobyerno na nagkukunwari na may malasakit sa bayan gamit ang propagandang tuwid na daan,” sambit pa ng Senador.
Habang ang kanyang ama si Ramon Revilla, Sr. na naka-wheelchair, hindi napigilan ang maiyak sa mga binitawang salita ng kanyang anak na si Bong. Iba’t iba ang reaction ng madlang people sa privilege speech ng senador.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield