ISA LANG daw ang personal wish ng napakabait at generous na si Sen. Bong Revilla, Jr. ngayong Pasko. At ito ay ang maging masaya ang kanyang pinakamamahal na ama na si Sen. Ramon Revilla, Sr.
Sa dami kasi ng kontrobersiyang pinagdaanan ng kanilang pamilya, ‘yun lang daw ang hiling ni Sen. Bong sa Pasko. Kaya naman daw kung maaari ay ayaw na rin nitong pag-usapan pa ang tungkol sa kontrobersiyang meron ang pamilya nila ngayon, dahil na rin sa pagyao ni Ramgen Revilla.
Kaysa nga raw pansinin ang mga batikos sa kanya, mas gusto na lang ni Sen. Bong na maging abala sa pagpo-promote ng kanilang MMFF entry, ang Ang Panday 2, na trailer pa lang ay marami na ang napabilib nito sa ganda ng effects na pang-Hollywood ang dating.
Dagdag pa nito na sana raw ay tangkilikin ng mga manonood ang kanilang pelikula katulad ng pagtangkilik ng mga ito sa Ang Panday 1 na talaga namang super-blockbuster.
KUNG SI Allan K ang masusunod, ayaw na sana nitong magbigay ng komento kaugnay sa tsismis between Vic Sotto at Pauleen Luna, pero dahil na rin sa kapipilit ng press ay nagbigay na rin ng pahayag ang Pambansang Ilong ng Pilipinas.
Kuwento ni Allan na wala naman daw sigurong masama kung totoo ngang may relasyon si Vic at Pauleen, as long as masaya raw ang dalawa, wala naman itong nakikitang problema.
“Ako kasi, kung maligaya sila, okay ako, eh. ‘Di ba, ganu’n naman lagi. ‘Pag sinasabi nilang, ‘Kami nga ni ano, mero’n kaming MU,’ ang tanong ko, ‘Maligaya ka ba?’ at ‘Maligaya rin ba siya? O, ano’ng pakialam ng ibang tao sa inyo, eh, pareho kayong maligaya? Go!” dagdag pa ni Allan.
Dagdag pa nito na hindi naman daw kasi mapipigil ang pagtibok ng puso ng tao sa taong mahal niya o mamahalin niya, kesehodang mas matanda si Lalaki o mas matanda si Babae, wala namang masama as long as mahal nila ang isa’t isa.
TUNAY TALAGANG may puso at pagmamahal sa mahihirap ang young star na si Bea Binene, kaya naman sunud-sunod ang dating ng suwerte sa kanyang buhay. Kung saan isa na namang foundation ang itinayo nito na siyang tutulong sa mga mahihirap na kabataaan sa Sto. Tomas, Batangas.
Kung saan itinayo nito sa kanyang murang edad sa tulong ng kanyang mabait at very supportive mom ang Bea Binene Cares, na ginanap ang launching sa covered court ng Sto. Tomas Academy sa Sto. Tomas, Batangas. Kung saan sa tulong na rin ng DSWD-Sto. Tomas, maraming kapus-palad na kabataan ang pumunta at nabigyan ng sayaw at regalo ng Tween star.
Kuwento nga ni Bea, itinayo niya ang foundation dahil noon pa man ay mahilig na siyang tumulong sa ibang tao. At ngayon daw na kumikita na siya, gusto niyang ibahagi sa mga kapus-palad na mga bata ang blessings na kanyang natatanggap.
“Kaya ko itinatag ang Bea Binene Cares, para bigyan ang mga kabataan ng ‘Hope, Help and Happiness’!” Pagtatapos ng magandang young star.
John’s Point
by John Fontanilla