Sen. Bong Revilla Jr., tiniyak na hindi sa guilty sa pork barrel scam

AYAN NA! Sumuko na si Janet Napoles! Ano ang susunod na mangyayari? Tuloy na ang imbestigasyon, ‘di ba? Kaya siguro du’n na lang tayo tumutok sa imbestigasyon at huwag nang mang-akusa nang kung anu-ano, ‘di ba?

Pati nga ako nadamay dahil sa mga nakuwento ko sa radyo nu’ng nagkausap kami ni Arnold Clavio.

Nadamay na naman ako at ang daming nagsabi sa akin na mag-ingat daw at baka pati ako ma-implicate sa malaking gulong ‘yan.

Hindi naman kasi ako nagku-computer kaya hindi ko alam ang mga napag-Uusapan sa Internet, dahil wala nga akong Twitter, Facebook at Instagram.

Kung ano ‘yang mga pina-follow n’yo na gamit ang pangalan ko, poser po ‘yun at wala akong kinalaman diyan.

Anyway, naging viral na pala ‘yung interview kay Lani Mercado sa taping ng Basang Sisiw na sinabi niyang kung tanggalin ang pork barrel, huwag nang manghingi ang mga tao sa kanila.

Diyos ko, ‘day! Kung anu-anong panlalait na ang inabot ni Lani pati sina Sen. Bong Revilla at ang buong pamilya na akala mo sila na ang pinakamasamang tao.

Napakinggan ko ang interview kay Lani at sa totoo lang, nabigyan ng malisya ang linyang ‘yun ni Lani. Hindi naman ibig sabihin na dahil sa pork barrel ay tumutulong sila.

Sa totoo lang, kelan lang pumasok si Lani sa pulitika at noon pa man ay tumutulong na siya sa mga humihingi ng tulong sa kanila.

Nakita ko nu’n, ang daming taong pumunta sa bahay nila para humingi ng tulong at araw-araw raw ‘yun.

‘Yung pumupunta du’n ay hindi umaalis na bigo kundi meron talagang nabibigay ang buong Pamilya Revilla.

Noon pa man ay tumutulong sila, wala pa sila sa posisyon kaya unfair naman na pagbintangan ng kung anu-ano sila.

Maaring mali lang ang pagkasabi ni Lani, pero ang ibig lang naman niyang sabihin, kung ganyang patuloy silang magbibigay ng tulong sa mga tao, saan nga naman sila ngayong kukuha ng pondo para ipamigay na tulong?

Kaya nga nilinaw niya, kung magbibigay ng pondo o PDAF dapat ay transparent lang at ilabas sa publiko kung saan napupunta ang pera.

Sabi nga ni Lani, kung tatanggalin ‘yang PDAF, okay lang na tanggalin basta lahat ay tanggalan at hindi ‘yung pinipili lang.

Mabuti’t sinimulan na ang imbestigasyon kaya tingnan na lang natin kung ano ang kalalabasan nito at managot na ang dapat managot.

Sabi naman ni Bong, haharapin niya ito at tinititiyak niyang hindi siya guilty sa iskandalong ito.

Claudine, nagsampa ng kasong pang-aabuso laban kay Raymart

 

HINDI PA rin tapos ang gulo ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto.

Nag-file na si Claudine ng kasong Rep. Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children laban kay Raymart.

Isinampa na niya ito nu’ng kamakalawa ng umaga sa Deputy City Prosecutor Linda Adame-Conos ng Marikina Regional Trial Court.

Sinuportahan ito ng Gabriela at sinamahan siya ng magulang niyang sina Mr. Miguel at Mommy Inday Barretto.

Umiiyak si Claudine na humarap sa media at galit na galit si Mommy Inday na nagsalita laban kay Raymart. Kaya nandiyan daw ang suporta niya sa kanyang anak.

Naku! Pati nga si Gretchen Barretto ay meron ding maanghang na sinabi si Mommy Inday, kaya abangan n’yo ‘yan sa Startalk bukas.

As of presstime, wala pang statement mula sa kampo ni Raymart at dapat niyang sagutin ito, ‘no!

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Previous articleSey ni Direk Joyce Bernal
Xian Lim, walang bakas ng kabaklaan
Next articleAndi Eigenmann, ayaw pang lagyan ng label ang relationship kay Jake Ejercito

No posts to display