MARAMI ANG NAGULAT sa biglang pagpanaw ng itinuturing na tatay-tatayan sa showbiz na si Tito Douglas Quijano.
Sabi nga ni Manay Lolit Solis, kung nakakaaway mo pa si Tito Dougs, napakasama mo nang tao.
Hanggang ngayon, hindi pa nag-sink sa karamihan na iniwan na tayo ni Tito Dougs kaya ang hirap pa ring pag-usapan ang tungkol sa pagpanaw nito. Dito namin napatunayan kung gaano kabait ni Tito Dougs dahil ayaw talaga nitong magpaabala sa lahat.
Minsan, nababalitaan na lang naming naospital pala ito pero nakalabas na. Ayaw na ayaw niyang dinadalaw siya at inaalala dahil kaya naman daw niya ang kanyang sarili.
I’m sure, ngayon ay nairita ito kapag binibigyan siya ng tribute o pag-alala dahil nakokornihan ito. Pero isa sa pinaka-well-loved sa showbiz si Tito Dougs kaya hindi maiiwasang bigyan ito ng sapat na panahon para sariwain ang mga magagandang alala sa kanya.
Bago kami umalis pa-Cebu nu’ng nakaraang Linggo, dumaan muna kami sa Heritage Memorial Park, kung saan nakaburol si Tito Dougs.
Ang kapatid nitong si Mark ang nag-aasikaso roon, pero ang humaharap sa showbiz ay si Janice de Belen na aligaga sa pag-asikaso sa mga dumarating.
Ang mag-asawang Richard Gomez at Lucy Torres ay nasa Amerika pa, para sa Philippine Independence celebration ng GMA Pinoy TV sa San Francisco, California.
Dapat ay sa Linggo pa ang balik nila para makapagbakasyon silang mag-asawa ng kahit ilang araw lang. Pero na-cut short ito at bukas na yata ang balik nila para maasikaso ang pagpapalibing sa kanilang manager.
Sa Sabado raw ang cremation nito at pag-uusapan pa nina Goma at Joey Marquez kung kailan ang libing. Sa Loyola Memorial Park sa Marikina raw ang libing katabi ng puntod ng kanyang magulang.
SA BIYERNES, NAKATAKDANG humarap sa Department of Justice ang mga sinampahan ng kaso ni Katrina Halili na sina Dr. Hayden Kho, Dra. Vicki Belo, Erik Chua, Dr. Bistek Rosario at Princess Velasco.
Nakausap ng Startalk ang abugado ni Dra. Belo na si Atty. Tamano at matibay raw ang mga ebidensyang dala para mapatunayang inosente ang kontrobersiyal na doktor sa kasong isinampa ni Katrina.
Kaya rin daw nilang mapatunayang mali ang nasa affidavit ni Erik Chua kaya kampante silang malusutan ang kasong ito dahil sa totoo lang, biktima rin daw si Dra. Belo.
Minabuti ni Dra, Belo na manahimik na lang at ang abugado na lang nito ang magsasalita para sa kanya.
Mariin namang itinatanggi ni Sen. Bong Revilla na nakatanggap daw ito ng P50 M mula kay Dra.Belo kaya tahimik na ito at hindi na raw nakikialam sa kasong ipinaglalaban ni Katrina.
Ani Sen. Bong, hindi siya tumitigil at lalo namang wala siyang natatanggap mula kay Dra. Belo, dahil hindi naman daw niya ito kailangan at never daw niyang naisip na ipagbili ang ipinaglalaban niya laban kay Dr. Hayden at kung sino mang nagkalat ng sex videos. Patuloy pa rin daw siyang tumutulong kay Katrina, pero hindi naman daw kailangang lagi siyang lumalabas para ipakita ang pagtulong niya. Kailangan daw maparusahan ang kung sino mang dapat managot sa kababuyang ginawa kay Katrina at sa iba pang kababaihang nadamay sa sex videos ni Dr.Hayden.
Nu’ng nakaraang Araw ng Kalayaan, nagkita nga sina Sen. Bong, kasama si Lani Mercado, at si Dra. Belo, kasama naman ang dati niyang asawa na si Atom Henares, sa Philippine Independence Day celebration sa Malacañang.
Hindi na nakaiwas si Dra. Belo, sinabi raw nito kay Sen. Bong, “I don’t know if I’m going to greet you or what.”
Matamis na ngiti ang sagot ni Sen. Bong at sinabihan lang daw niya si Dra. Belo ng, “It’s up to you if your going to greet me,” sabay beso kay Dra. Belo. Pati kay Lani, nagbeso naman si Dra. Belo pero hindi na nagkatsikahan. Civil naman daw sila sa isa’t-isa.
Nilinaw naman ni Sen. Bong na malaki pa rin ang paggalang niya kay Dra. Belo at hindi naman siya namemersonal sa kasong ito.
Sana mabigyan lang daw ng hustisya ang ginawa kay Katrina at sa iba pang kababaihang damay sa sex video na ‘yun.
by Gorgy’s Park