KAAGAD NA dumipensa si Senator Ramon ‘Bong’ Revilla sa pagkasangkot ng kanyang pangalan kasama ang apat pang senador sa P10-B scam kaugnay sa diumano’y mga dummy na non-government organizations.
Sa ulat ng abs-cbnnews.com nitong Lunes July 15, sinabi ng senador na lumabas daw ang naturang ‘smear campaign’ laban sa kanya nang mapabalitang tatakbo siya sa mas mataas na posisyon sa darating na 2016.
Ayon pa a statement ni Senator Bong, “Hindi totoo ang mga akusasyon na nakinabang ako sa usaping ito. Porke ba may mga nagtutulak sa ating tumakbo sa 2016, wawasakin na nila ang aking pangalan?”
Ayon pa kay Senator Revilla, may nagbabala na raw sa kanya mula sa isang taga-Malacañang na tatargetin diumano siya dahil sa balitang pagtakbo niya sa susunod na election. Matatandaang napabalita noon na sa 2016 ay baka raw maging standard bearer ng Lakas Party ang senador.
Lahad pa niya sa statement, “’Eto na ‘yun. This controversy has been engineered by the administration for only one purpose – to demolish the opposition, especially those who enjoy the popular support of our people.”
Hindi na raw siya na-sorpresa sa ‘demolition job’ daw na ito dahil naranasan na rin daw nila ito sa ginawang ‘harrasment’ diumano sa kanilang pamilya noong nakaraang election.
Nitong nakaraang araw ng election, ilang mga pulis ang pumunta sa bahay nina Sen. Bong sa Cavite dahil sa diumano’y balitang may mga armadong tao raw sa loob ng bahay nito.
Iniimbestigahan na raw ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing P10-B scam ng isang kumpanya na nagtatag diumano ng mga dummy NGO’s para gumawa ng mga ‘ghosts project’ sa loob ng halos isang dekada.
Bukod sa kanya, idinawit din ang mga kapwa niya senador na sina Juan Ponce Enrile, Bongbong Marcos, Jinggoy Estrada and Gringo Honasan.
Sa statement pa ni Senator Bong, na ang pagpopondo nila sa mga proyekto ay dumadaan sa mga tamang panuntunan ng gobyerno at ang pag-release ng pondo nito ay pinamamahalaan ng mga ‘implementing agencies’ at ng mismong executive branch.
Sabi pa niya, kung totoo raw ang mga alegasyong ito, sinabi rin niyang silang mga mambabatas ay biktima rin.
Aniya, “Kung may katotohanan man ang mga affidavit, kami ay biktima rin ng anomalyang ito. Ang executive branch ang may responsibilidad na siguruhing sa tama napupunta ang mga pondo ng pamahalaan.”
Hiningi na rin daw niya sa NBI ang mga sinasabing affidavits na naging basehan sa balitang lumabas araw sa Philippine Daily Inquirer.
Kinukuwestiyon din nito na bakit ngayon lang lumabas ang anomalyang ito gayong sampung taon na pala itong nangyayari.
Sabi pa niya, “Kung totoo na may sampung taon na raw nangyayari ang mga alegasyon, bakit ngayon lang lumabas ito, at sa pahayagan pa? Suspiciously, only non-allies of the administration are being dragged into this controversy.”
Dagdag pa niya, “I have always been transparent and accountable. I have nothing to hide. Malinis ang aking konsensiya at nalulungkot ako na dahil sa pulitika ay sinisira ang pangalan kong napakatagal kong binuo at pinangalagaan.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato