YEHEYY!!! FINALLY MAY isang gaya ni Senador Juan Ponce Enrile na nag-dare na paimbestigahan ang mga cellphone companies, lalo na ‘yung may mga subscribers na pre-paid lang ang gamit. Paano kasi, kahit hindi mo pa nagagamit ang bago mong biniling ‘load’ eh halos wala ka nang magamit dahil parang bula itong nawawala?
Kagaya ang magiting na Senador, hindi lang ilang beses kaming nabiktima ng loading system na ngayon nga ay tinatawag niyang “ninakaw ng multo.” Kahit ilang beses na naming tinalakan sa mga programa namin sa radyo ang mga mobile networks na nambibiktima sa gaya namin, parang nawawalan lang kami ng choice dahil sa bulto ng mga subscribers nila. Imadyinin na lang natin kung ilang milyon ang nabibiktima nila araw-araw dahil dito at ‘yun ang isipin nating nawawalang ‘pera’ sa atin? Nakakaloka, ‘di ba?
Sige Senador Enrile, go, go, go sa iyong paghangad na maimbestigahan iyan. Huwag tayong maniwala sa mga teknikalidad ng paliwanag nila dahil malinaw pa sa sikat ng araw na may nawawalan at nakikinabang dito.
Simpleng kurakot, ‘ika nga, pero milyones ang hakot!
Starstruck talents, scandalized
BAKIT TILA YATA sa mga eskandalosong ‘issues’ nasasangkot ang ilan sa mga nakilalang talents mula sa Starstruck ng GMA 7?
Pinakakontrobersyal na marahil si Katrina Halili, pero nasa ganu’ng usapin din si Yasmien Kurdi dahil pormal na nga niyang sinampahan ng kaso si Baron Geisler. Si Jennylyn Mercado, halos hindi na matapos-tapos ang isyu kay Patrick Garcia at pamilya nito. Ang latest nga ay ang pagbibitaw ng makahulugang statement ni Mrs. Bing Garcia na hindi raw siya siyensya para kumpirmahin ang kaugnayan ng anak ni Jen sa kanyang pamilya. Sinabi kasi nitong bukod tanging ang apo niya kay Cheska Garcia ang maituturing na kapamilya nila sa ngayon.
Hindi naman nagpahuli ang mga gaya nina Mark Herras, Mike Tan, Alvin Aragon, at ngayon ay si Aljur Abrenica kung mga eskandalo rin lang ang pag-uusapan.
Sa lumabas na balita rito sa Pinoy Parazzi tungkol kay Aljur, sari-sari nga ang natanggap naming reaksiyon sa programa namin sa teleradyo kahapon.
Karamihan dito, hindi naniniwala sa alegasyon ng isang batang babaeng modelo na diumano ay minolestiya ni Aljur.
Bukod daw kasi sa sobrang tagal na ng pangyayari (buwan ng Abril), eh, bakit ngayon lang nito naisipang mag-file ng reklamo?
Pero gaano kaya katotoo ang tsikang may mga GMA executives na hilong-hilo sa mga ganitong balita at ayaw na raw ng mga itong pansinin pa, much more paniwalaan pa ang mga nagsasabing ‘biktima’ nga sila ng mga eskandalo?
Samantala, sinubukan naming kunan ng pahayag si Aljur thru his handler, pero hindi nito sinasagot ang aming mga text o tawag.
Showbiz Ambus
by Ambet Nabus