INAMIN NI SENATOR Kiko Pangilinan na wala pang sapat na numero ang Liberal Party (LP) para makamit ang liderato ng Senado. Kasunod ito ng paglilinaw na hindi pa siya ang pinal na kandidato ng LP sa Senate presidency, sa halip ay pinag-uusapan pa ito sa pagitan nila ni Senator-elect Frankie Drilon.
Taliwas din ito sa lumabas na ulat na mismong ang kapatid ni President-elect Noynoy Aquino na si Kris Aquino ang kumakausap sa mga senador na si Pangilinan ang suportahan.
Nauna rito, inihayag ni Senate President Juan Ponce Enrile na anim na senador lang susuporta kay Sen. Manny Villar sa umiinit na usapin ng senate presidency habang papalapit ang pagbubukas ng 15th Congress. Habang, halos sigurado umano ang sinuman kina Pangilinan at Drilon na masungkit ang posisyon sa Senado.
Samantala, matinding pagkondena naman ang ginawa ni Sen. Alan Peter Cayetano ng Nacionalista Party sa pahayag ni Enrile na malabong masungkit ni Villar ang liderato sa Senado.
Ayon kay Cayetano, dapat iisa ang isipin ng mga senador at ito ay ang magsilbi sa bayan at isantabi ang personal na interes.
Aminado naman si Cayetano na malaki ang posibilidad na makialam si P-Noy upang masiguro na ang kaalyado niya ang maipoproklama bilang pinuno ng Mataas na Kapulungan.
Pinoy Parazzi News Service