ISA ANG GRUPO ng advance party ni Sen. Kiko Pangilinan sa mga unang-unang nakita sa kapaligiran ng Blue Leaf sa The Fort nu’ng selebrasyon ng kaarawan ni Senador Jinggoy Estrada.
Ganu’n ang natural na kalakaran kapag may pupuntahang okasyon ang matataas na pulitiko, meron munang nauunang grupo sa lugar na pupuntahan nila. Para sa kanilang proteksiyon ang dahilan nu’n.
Nakahanda nang magpunta sa birthday party ni Sen. Jinggoy ang mister na senador ni Sharon Cuneta, naghihintay lang siya ng tamang oras ng pagpunta niya sa party. Pero biglang nagradyo ang isang security ni Sen. Pangilinan sa kanyang close-in security.
Ibinalita nito na dumating sa party si Gabby Concepcion. Ganu’n lang kasimple ang impormasyong ipinarating ng tauhan ni Sen. Kiko. Pero pagkatapos ng pag-uusap ng kanyang mga security, meron nang naganap na aksiyon.
Biglang pull-out ang grupo, umalis na sa lugar ng selebrasyon, hindi na tumuloy sa party ang senador.
Maraming haka-hakang lumutang sa party ni Sen. Jinggoy pagkatapos mag-alisan ang tropa ng advance party ni Sen. Kiko, magkakaiba ang opinyon ng mga nandu’n. Merong sang-ayon sa naging desisyon ng mambabatas at meron din namang kumontra.
Ayon sa mas nakararaming nasa party, tama raw ang kanyang ginawa. Mas mabuti na ngang hindi siya tumuloy sa party, dahil siguradong sila ni Gabby ang magiging mata ng bagyo.
‘Yun ang sitwasyong ikagagalak nang husto ng aktor, na hindi naman magugustuhan ng senador, parang lumalabas na kung tumuloy ang senador sa party, magagamit ‘yun ni Gabby para sa sarili nitong interes.
Pero meron namang nagsabing sa tagal na ng panahong nagsasama sila bilang mag-asawa ng megastar, dapat ay isinasantabi na lang ng senador ang nakaraan nina Gabby at Sharon. Dapat daw ipakita ng senador na pare-pareho na silang nakausad mula sa mga personal nilang saloobin.
Kailangang magkita na sila ni Gabby para matapos na ang lahat, nasa wastong edad na sila para tanggapin ang naganap sa kanilang mga personal na buhay, ganu’n ang pakahulugan ng iba sa ginawang hindi pagpunta ng senador sa party ng kanyang kasamahan sa Senado.
PERO KUNG KATUWIRAN ang pag-uusapan, sang-ayon kami sa naging desisyon ni Senador Kiko, tama lang na umiwas na lang siya sa mga ganu’ng senaryo. Mas walang pag-uugatan ng istorya sa pagitan nila ni Gabby, mas maganda.
Totoo ang pananaw ng iba na siguradong si Gabby ang magkakaroon ng pakinabang sa kanilang pagkikita. Si Gabby pa naman, lahat ng klase ng publisidad na makukuha nito, makatutulong sa kanyang career.
Magiging dahilan na naman ‘yun para maglitanya ang aktor. Gustong-gusto ni Gabby ang ganu’n. Anumang libre, isang malaking pakinabang para sa kontrobersiyal na aktor.
At siguro’y sinabihan din ni Sharon si Senador Kiko na huwag nang tumuloy sa party ni Senador Jinggoy, hindi sasabihin nang lantaran ni Sharon ang kanyang saloobin, pero mas kilala nito ang kartada ng ama ni KC.
‘Di nga ba’t maraming nagsasabi kung saan ipinaglihi si Gabby? Sa mangga raw—as in, manggagamit.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin