Sen. Lapid, My Idol

SA WAKAS, napatunayan ni Sen. Lito Lapid na tama ako sa paghalal sa kanya bilang Senador nang dalawang beses. Hiya, tigidig! Sa lahat ng nagtalumpati mga senador nu’ng judgement day ni dating CJ Corona, si senador lang ang pinakamaliwanag na paliwanag ng kanyang botong conviction. Hiya, tigidig!

At bakit? Simple, pinakasimpleng paliwanag at rason, walang legal o high fallutin palabok o eksplanasyon. Isang paliwanag na galing sa puso ng isang high school dropout ngunit may uncommon common sense sa pagtarok sa isyu.

Pasensiya po, pasensya po Kgg. Chief Justice. Subalit kayo po’y nagsinungaling sa inyong SALN. ‘Di ko po alam ang legal technicalities. Subalit pangita po, kayo’y nagsinungaling. At ito’y labag sa batas. Pahimakas na wika ng senador. Malalim ang kurot sa puso. Mapakumbaba. Kung pwede lang pumalakpak, siya sana ang binigyan ng standing ovation nu’ng huling araw ng impeachment trial.

Ngunit may kasalanan akong aaminin. Nu’ng nakaraang halalan, isinumpa ko na ang muling pagboto sa kanya. Kasi talaga namang ‘alang performance. Nagbubutas lang ng silya sa Senado. At nagbibilang ng butiki sa kisame ‘pag may sesyon. Sa loob ‘ata ng anim na taong panunungkulan, isang batas lang ang naipasa. Free stenographic notes for poor litigants. Hamak mo ang atraso niya sa bayan.  Talagang sayang na sayang ang taxpayers money sa suweldo at iba pang perks niya.

Subalit lahat ng mga iyon kinalimutan ko na. Nagpamalas siya ng sense of statesmanship at pagpanig na tamang kumpas ng konsensiya. ‘Di natin masasabi ito sa tatlong bumoto sa acquittal. Hiya, tigidig-tigidig. Idol ko si Sen. Lapid.

SAMUT-SAMOT

 

MASYADONG MADUGO at mahapdi sa magkabilang panig at sa bayan ang nakalipas na impeachment trial. Subalit naging cleansing ito ng isang judiciary na sagad at talamak na sa katiwalian. Matagal nang nagsisiklab ang poot at galit ng taong-bayan. Hoodlums in robes, akmang tawag sa kanila ni dating Pangulong Erap. Ngayon ang mga mahistrado ay maibabalik na ang paa sa lupa. Dati-rati’y mga untouchables – beyond the reach of criminal justice.

SANA’Y MALI ako. Subalit mga ilang nakalipas na hanay ng mga mahistrado ay ‘di maikukumpara sa uri ng mga mahistrado nu’ng 50s, 60s at 80s. Mga dekada ng mga mahistradong Recto, Laurel. Ngayon kung sinu-sino na lang ang pumipili at laging may bahid ng pulitika. Tama kaya na ang pangulo ang pumili ng mga mahistrado? Ayos kaya kung isang independent commission para maiwasan ang mantsa ng pulitika? Nagtatanong lang.

SA KANYANG sinapit, una at huling dapat sisihin ni Corona ay kanyang sarili. ‘Di iilan ang nagsabi na dapat nag-resign na lang siya dahil may mga kalansay siyang itinatago. Tama ang ginawa ng dating Ombudsman Merceditas Gutierrez.

TADTAD NG bukol ng insult kay Sen. Miriam Defensor-Santiago si Rep. Neil Tupas, head ng prosecution team. Subalit tinawanan at pinagtiisan niya mga ito. Mala-impyernong panlalait ang isinaboy sa kanya ng isang senador mula sa una at huling araw ng impeachment. Bilib ako kay Tupas. At mas bilib din ako kay deputy prosecution head, Rudy Fariñas. I believe they deserve another mandate.

PINAKAMASAKIT NA sakit ni late American pop great Michael Jackson ay ‘di makatulog. O insomnia. Ayon sa isang lathala, mayroong 4 o 5 araw siyang ‘di makatulog kahit anong inom ng sleeping pills. Marahil ang excessive overdose of pills ang kanyang ikinamatay.

PAGSAPIT KO ng edad 60, nagkaproblema rin ako ng mild insomnia. Napaglabanan ko ang sakit sa pagdarasal na nagbigay sa akin ng will power. Sa edad na 68, pabalik-balik pa ‘pag minsan ang problema. Nakakatulog ‘ata ng 10:00 p.m., subalit nagigising 4-5 a.m. at ‘di na makatulog. Ayon sa mga doktor, dala na ito ng pagtanda. Paminsan-minsan umiinom ako ng mild sleeping pill or tranquilizer ‘pag ‘di ko na matiiis. Subalit pagdarasal pa rin ang epektibong lunas.

MINSAN SI dating Pangulong Erap ay nagreklamo rin sa akin ng parehong problema. Malimit daw na alas-tres na ng umaga, ‘di pa rin siya makatulog kahit anong pagod niya. ‘Di na rin daw tumatalab ang sleeping pills na prescribed sa kanya. Subalit ang sakit daw ay nawala matapos siyang magpa-stem cell injection sa Switzerland. Magkano ang halaga? ‘Wag nang itanong.

KAHAPON SA aking pag-uwi, napansin ko ang makapal na hanay ng taong naghihintay makasakay sa Ortigas Ave. Sabi ng aking drayber, ang paghihintay ay aabutin ng mahigit sa tatlong oras. Puno ang mga sasakyan dahil sa rush hours. Nakakaawa na ang mga commuters lalo na ‘yong mga babae. Pagdating ng tag-ulan lalong sisidhi ang problema.

KAPIT-BAHAY AT kaibigan kong si Ryan Lopez, 19, ay muling sumailalim sa pangalawang brain operation. Lubos akong nalungkot. Pakiwari, unang operasyon nakaraang Disyembre ay ‘di natumbok ang sakit. Si Ryan ay dating fencing tsampyon ng U.S.T. kung saan siya nagtapos ng isang kurso. Maraming Good Samaritans sa pangunguna ni Edu Manzano ang tumulong sa gastos na umabot ng P2 million. Maraming prayer warriors ang kinalampag ang langit sa tulong. Balita ko’y magaling na siya. God loves you, Ryan.

KAYO BA’Y nabibiktima rin ng pagkabagot? Isa sa mga discomfort ko ito na nagdadala ng iba pang uri ng discomforts kagaya ng frequent urinations, headache at ‘pag minsan nausea. Talagang nakababagot ang walang ginagawa. Problema ito ng mga senior citizens lalo na ‘yong mga incapacitated, nakatali sa wheel chairs o naghihintay sa kama ng nakatakda. Napakasakit ng paglalakbay sa buhay.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous article“Waiver” Pangakong Palusot
Next articleWalang Nakukuhang Suporta sa Ama

No posts to display