ISANG TRADISYUNAL NA pamanhikan ang ginanap sa bahay ng pamilya ni Korina Sanchez sa Merville Park Subdivision nu’ng Sabado nang gabi. Malayo ka pa lang sa eksaktong address, alam mo nang may ginaganap na selebrasyon sa napakaliwanag na ilaw sa palibot ng bahay.
Malawak ang bakuran, 1,200 square meters ang sukat nito. Du’n mismo sa bahay na ‘yun nagdalaga ang palabang news anchor na si Korina Sanchez. Bago sila tumira du’n, nangupahan muna sila ng apartment sa bandang Maynila, pero tandang-tanda pa ni Ate Koring, “Dito na ako nag-celebrate ng debut ko.”
Kumpleto ang pamilya ni Senador Mar Roxas. Kasama niyang dumating ang mga markadong pigura mula sa angkan ng mga Araneta at Roxas. Hiningi na ng senador ang mga kamay ni Korina sa mga kapatid nito.
Si EG ang panganay, sumunod si Korina, si Milano ang sumunod at si Mickey naman ang bunso sa magkakapatid.
“Hihingin ko rin ang mga kamay ni Korina sa kapatid ng kanyang mommy, si Tita Letty (Baluyot) at sa bestfriend ng mommy niya, si Tita Ellen (Costales),” nakangiting pahayag ng senador na namamanhikan.
Pinoy na Pinoy ang ginanap na pamanhikan. Bago hiningi ni Senador Mar ang permisong pakasalan si Korina, nagkaroon muna ng balagtasan. Isang propesyunal na makata ang kanilang inimbita. Kasali sa balagtasan ang magagaling na komedyanteng sina Jayson Gainza at Tado. Mahahabang linya rin ang binasa ni Senador Mar bilang hudyat na malinis ang kanyang intensiyon sa pagpapakasal sa kanyang pinakamamahal na si Korina.
Kumanta silang dalawa, nasa tono si Ate Koring, pero ang mambabatas ay parang naliligaw sa tono. Sabi nga ni Jeffrey Quizon na tumayong host ng pamanhikan, “Senador po siya, huwag po nating kalilimutan, senador po ang kumanta sa atin kanina.”
DUMATING DIN SA pamanhikan ang magagaling na singers na sina Erik Santos at Sarah Geronimo para kantahin sa unang pagkakataon ang sinulat na wedding song para sa kanila ni Vehnee Saturno, ang Kahapon, Ngayon At Bukas.
Kuwento ni Korina, “Nu’ng lumabas kami ni Mar sa Wowowee, ang dami-daming tumawag at nag-text sa amin, kino-congratulate nila kami, pero may isa nang naunang magpahatid ng kanyang regalo para aming kasal, si Vehnee Saturno na napakagaling na composer.
“Nakatutok siya that day sa Wowowee, narinig daw niya ang sinabi ko kay Mar na kahapon, ngayon at bukas, ako’y iyong-iyo, kaya agad niya kaming iginawa ng wedding song,” pahayag ng palabang news anchor na kaibang-kaiba ang aura nu’ng gabi ng pamanhikan.
Wala pa silang sinabing eksaktong petsa ng kanilang kasal, pero bago matapos ang taon ‘yun gaganapin. Personal nang pinamamahalaan ni Korina ang mga detalye ng pagharap nila sa altar ng pulitiko.
Sabi ni Korina nu’ng hawakan na niya ang mikropono, “Heto, totoo na ito! Ang akala ko kasi, e, habambuhay na akong magiging dalaga, pero dumating ang tamang tao at pagkakataon sa buhay ko.
“Siya rin naman, akala niya, e, magiging binata na lang siya habambuhay, pero nagkatagpo nga kami,” palakpakan ang naging kasunod ng pahayag ni Korina.
Napakasaya ng gabi, naging emosyonal lang ang kapaligiran nang banggitin ni Korina na sayang, dahil wala na ang kanyang mga magulang para saksihan ang pinakamahalagang punto sa kanyang buhay.
Isa-isang pinasalamatan ni Senador Mar ang magkabilang pamilya. Higit ang kanyang pasasalamat sa mga kapatid ni Korina sa pagtanggap sa kanya bilang kapamilya na. Nandu’n din si Paolo na anak ni Senador Mar sa pagkabinata.
Maligayang bati sa mga malapit nang ikasal!
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin