WATCHING MOVIES ang isa raw sa hilig ni Senator Nancy Binay. At sa darating na Metro Manila Film Festival, ilang entries daw nito ang balak niyang panoorin.
“Palagay ko ang aking unang panonoorin ay Ang Bonifacio: Ang Unang Pangulo,” aniya nga.
“Hindi kasi siya ordinaryong pelikula lang. Dahil tungkol ito sa buhay ng bayani nating si Andres Bonifacio na naging bahagi ng kasaysayan ng ating bansa.
“Siyempre kasama ko ang mga anak ko kapag pinanood ito. Actually mahilig ding silang manood ng sine.”
Pangalawang gusto rin daw niyang mapanood ang My Big Bossing, kung saan bida naman sina Vic Sotto at Ryzza Mae Dizon.
“Kasi last year ang napanood ko ay ‘yong kasama nila si Bimby,” ang MMFF entry ni Vic last year na My Little Bossing ang kanyang tinutukoy.
“I heard ibang-iba ang story ng My Big Bossing na trilogy. Kaya gusto ko rin siyang mapanood.”
Since nabanggit na rin lang ni Senator Binay ang pelikulang Bonifacio, natanong na rin namin siya kung ano ang kanyang masasabi sa naihayag na sama ng loob ni Robin hinggil sa kawalan umano ng katiting na suporta ng gobyerno sa historical film na ito ng actor.
“I think talaga namang may point si Robin. Na talagang… kulang ‘yong support. Lalong-lalo na nga sa film industry. So, siguro tingnan natin kung papaano… I don’t know kung tax break or kung puwedeng i-subsidized ng government ‘yong production. Or baka puwedeng i-incorporate ng DepEd (Department of Education) ‘yong movie. Tapos siguro may royalty. Baka puwedeng may gano’ng arrangement.”
Isa sa layunin ng MMFF entry na ito ni Robin ay maipaalam sa sambayanang Pinoy na si Andres Bonifacio ang unang pangulo ng bansa. Mayroon na rin ngang nagsusulong na ibigay na nga rito ang ganoong pagkilala.
“Actually may move nga. In fact last year may move sa Congress at saka sa Senado na baguhin at siya ang gawing first president.”
Bilang isang senador, ano ba ang stand niya sa usaping ito? “Ako siguro… dapat pag-aralang maigi. Talagang i-review ‘yong history.”
Pero sa ngayon, mas curious ang marami hindi sa usapin kung sino nga ba ang dapat na kilalaning unang pangulo kundi. sino ang susunod na pangulo ng bansa. Matunog ang pangalan ng ama ni Senator Nancy na si Vice President Jejomar Binay bilang pangunahing presidential bet.
“Talagang desidido naman nga siyang tumakbong presidente. Noon pa man nang una siyang matanong hinggil dito ay sinabi na niyang ayaw naman niyang magpaka-ipokrito… na alam naman niyang tatakbo siya.”
Although matitindi ang issue na ibinabato hindi lang sa kanyang ama kundi sa buong pamilya nila, hindi raw sila nagpapaapekto. At hindi rin daw sila matitinag sa kahit ano pang demolition job na maaaring ikasa laban sa kanila.
Bumababa na raw nang bumababa ang rating ni Vice President Binay sa pagkapangulo ayon sa diumano’y mga huling result ng survey.
“Ako, kasi parang itong survey na ito, ‘di ba? Kung matatandaan ninyo last survey, bumagsak siya ng 10. Tapos ngayon bumagsak siya ng 5. So, parang ang mind set ko, kumukonti na ‘yong naniniwala do’n sa pambabatikos. Kasi ang ini-expect namin do’n sa pagbagsak ng 10, e… mas lumaki pa ‘yong pagbagsak. Puwedeng 12 o puwedeng 15. Kasi hindi naman sila huminto do’n sa paninira, e. In fact ‘yong intensity mas dinagdagan pa nila. Pero inspite of that, minus 5 lang ‘yong ibinagsak. Tapos siya pa rin naman ‘yong nagna-number one sa presidential survey.”
Ano ang posibilidad na kunin ng kanyang ama na running mate si Senator Grace Poe?
“Pagdating sa Vice President, wala pa ho siyang napipili, e. At saka coming from his experience noong 2010, I think napili siyang Vice President ni President Erap ay two weeks before filing. So, medyo… masyado pang maaga.”
Pero kung siya ang tatanungin o magsa-suggest, sino sa kanyang palagay ang puwedeng perfect running mate ng kanyang ama?
“Naku, ayokong magbanggit!”sabay tawa ng senadora. “Kasi lahat naman no’ng lumalabas sa mga pangalan, e… I think makatutulong sa kanya. Kaya kahit sino sa kanila… puwede!” tawa ulit niya.
“Ang mahalaga ay kung sino ang makatutulong at makaka-partner niya sa pagbibigay ng solutions do’n sa mga problema na haharapin ng bansa natin.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan