Senior Citizen, ‘Di Binibigyan ng Discount

Dear Atty. Acosta,

 

AKO PO ang nag-aalaga sa aking lolo na isa nang senior citizen. Nakakuha na po siya ng Senior Citizens Card sa City Hall ng Maynila. Malaki po ang aming natitipid dahil dito subalit mayroon pong mga establisyimento na hindi sumusunod sa pagbibigay ng discount sa mga senior citizens. May isinasaad po ba ang batas na parusa sa mga establisyimentong ito?

 

Henna

Dear Henna,

 

ANG REPUBLIC Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 ay may isinabatas alinsunod sa polisiya ng ating gobyerno na magkaroon ng isang maayos at walang pinapaboran na lipunan na sumisiguro ng pag-unlad at pagiging malaya nito at ang pag-ahon ng ating mga mamamayan mula sa kahirapan.

Ang batas na ito ay isa ring paraan ng pagkilala sa karapatan ng ating mga senior citizen at sa hindi matatawarang kontribusyon na kanilang naibigay at patuloy na ibinibigay sa ating lipunan. Ang isang Pilipino na may edad na animnapung taong gulang (60 years old) o pataas ay maituturing na senior citizen.

Mayroong mga pribilehiyong ibinibigay ang RA 9994 sa ating mga senior citizen. Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng dalawampung porsyentong (20%) diskuwento at exemption mula sa pagbabayad ng value added tax (VAT) sa pagbili ng gamot, pagkain at iba pang pangangailangan, pamasahe sa pampublikong sakayan gaya ng jeep, bus, taxi, LRT, MRT at Philippine National Railways maging sa eroplano at barko, at admisyon sa mga sinehan at iba pang pasyalan. Maaari ring makakuha ang mga senior citizen ng diskuwento sa bayad sa mga serbisyong dental at medical na kanilang kinuha. Mayroon din silang diskuwento na hindi bababa sa limang porsyento (5%) sa kuryente at tubig.

Mahigpit na ipinag-uutos ang pagbibigay sa ating mga senior citzen ng mga unang nabanggit at ang iba pang pribilehiyo na nakasaad sa RA No. 9994. Ang hindi pagsunod sa alinman sa probisyon ng batas na ito ay mapapatawan ng mga sumusunod na karampatang kaparusahan ayon sa Section 7 nito:

Section 7. xxx

“Sec10. Penalties. – Any person who refuses to honor the senior citizen card issued by the government or violates any provision of this act shall suffer the following penalties: a) For the first violation, imprisonment of not less than two (2) years but not more than six (6) years and a fine not less than fifty thousand pesos (Php50,000.00) but not exceeding one hundred thousand pesos (Php100,000.00); b) For any subsequent violation, imprisonment of not less than two (2) years but not more than six (6) years and a fine not less than fifty thousand pesos (Php50,000.00) but not exceeding two hundred thousand pesos (Php200,000.00); c) Any person who abuses the privileges granted herein shall be punished with imprisonment of not less than six (6) months and a fine of not less than fifty thousand pesos (Php50,000.00) but not more than one hundred thousand pesos (Php100,000.00); Xxx”

Nawa ay nasagot namin nang lubusan ang iyong katanungan.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous article“Mas mabuti nang walang tulog kaysa walang gising” ‘di nga?
Next articleMa-Traffic at Magkasalungat na “Tuwid Na Daan”

No posts to display