NAPANAGINIPAN KO ikalawang gabi ang mahal na Señor. Nakasabit ako sa likod ng kanyang andas (karuwahe), halos gula-gulanit ang suot na na crimson T-shirt na may kanyang mukhang imahe at may galos at sugat kaliwa’t kanan sa katawan. Napakabagal ang usad ng andas sa gitna ng karagatan ng halos tatlong milyong devotees, lahat humihiyaw, umiiyak, nagsusumamo, nagdarasal: Señor! Señor! Nakatutunaw ng buto. ‘Di ko malaman kung saan ko pa hinuhugot ang aking hininga. ‘Di mailalarawan ng salita ang nag-aapoy na pananampalataya. Señor! Señor!
Paggising ko’y pawisan ang buong katawan. Sakbibi ng luha ang mata. Humiyaw ng halong tuwa at pangamba ang kaluluwa. Señor! Señor!
Sa Banal na Aklat, may isang parable tungkol sa isang babae na nakipagsiksikan sa dagsa-dagsang tao upang mahipo man lamang kahit isang sinulid sa damit ni Hesus. Dala ito ng malalim na pananampalataya na sa paghipo siya ay gagaling sa malubha niyang sakit. Pinalad na nagawa ito at natigil sa paglalakad ang Panginoon. Tanong niya sa mga apostoles: “Sino ang humipo sa aking damit?” Sagot: “Panginoon ang dagsang mga tao ay humihipo lahat sa inyong damit.”
Napatingin si Hesus sa babaeng tinutukoy natin. “Humipo ka sa aking damit at ikaw ay may malalim na pananampalataya. Gagaling ka sa iyong sakit. Ginamot ka ng iyong pananampalataya.”
Iba’t ibang paninira at batikos ang ipinupukol ng mga ‘di naniniwala sa mga devotees ng Señor. Panatiko! Superstiyoso!
‘Di na mabibilang ang mga testimonya ng mga milyun-milyong devotees sa himalang ginawa sa kanilang buhay ng Señor. Karamihan sa kanila, maliliit na mamamayan, walang dunong at pinag-aralan. Kanilang taimtim na pananampalataya lang ang kanilang susi sa kanilang taimtim na panalangin. Tinatawanan. Nililibak sila ng mga marurunong. Ngunit napakapalad nila sa pagkakaroon ng malalim na pananampalataya.
Isang batang anak ng aking kapit-bahay ay binigyan ng 6 na buwang taning ng mga manggagamot. Problema sa pag-ihi. ‘Di kayang magpa-dialysis. Nagsumamo ang kanyang ina sa Quiapo Church Superior upang hiramin ang tsinelas ng Señor sa paniniwalang ‘pag nahipo ito ng kanyang anak ay tiyak na gagaling. Nakamtan nila ang milagro.
Increase our faith! Señor! Señor! Señor!
SAMUT-SAMOT
BINALIWALA NG halos 8 milyong Black Nazarene devotees ang serious warning ng terrorist attack. Si Pangulong Noynoy mismo ang nagpahayag nito, ayon sa ulat ng top AFP brass. Very sketchy ang mga detalye. Diumano’y mga MILF at Abu Sayyaf terrorists ang magsasagawa ‘di lang sa prusisyon mismo, kundi sa iba pang parte ng Kamaynilaan. Salamat sa Panginoon, walang nangyari. Walang nahuling terrorists sa mga isinagawang raids. No trace of terrorist plans of attack na nakalap. Ayon sa ‘di iilang salbahe, mukhang nakuryente ang Pangulo. Sabi naman ng mga pro P-Noy, mabuti na ang handa kaysa sorry later.
KUMALAT SA YouTube ang isang video na pinakikita ang 9 na U.S. Marines na iniihian ang nakasalansang bangkay na Afghan rebels. Napakarimarim at conscience-revolting. Lalo na nagsagawang mga kawal ng isang world democratic power kagaya ng U.S. Dapat imbestigahan ito ng U.S. Congress at patawan ng pinakamabigat na parusa ang mga nagkasala.
ANO NA’NG updates sa continuing peace talks sa MILF at NDF? Malamang walang concrete na nangyayari. Sitwasyong katulad ng dalawang nagbabanggaang bato. Kahalintulad nito, conflict between Israel at Palestinian state. Panahon pa yata ni Moses. Ano ang maririing hakbang ng pamahalaan?
Umaalingasaw na ang baho ng corruption sa TESDA nu’ng panahon ni Bobby Syjuco. Mahigit 2 bilyong pondo sa scholarship program ang unaccountable ayon sa COA. Ang TESDA ay malinaw na ginawang political milking cow nu’ng panahon ni GMA. Panibagong plunder case na naman sa dating Pangulo.
DAHIL SA labis na pagkabagot sa kanyang hospital arrest, ginugugol ni GMA ang panahon sa pagsusulat ng kanyang memoirs at iba pa. Nakaraang linggo, naglabas siya ng economic critique: It’s the economy, student! Patutsada kay Pangulong P-Noy. Bagsak daw ang ekonomiya dahil walang kumpas at direksyon ang pamahalaan. Natural, nagpalitan ng mabababoy na salita ang magkalabang kampo. At pumapel na naman ang nakakainis na bunganga ni Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ni GMA. “Sour-graping lang yon,” bato ni presidential spokesperson Edwin Lacierda.
Dapat ‘di na patulan si GMA. Naghahanap lang ng pansin at atensyon. Manahimik na lang siya, asikasuhin ang mga plunder cases. Tapos na ang kanyang papel.
SA PEBRERO, ang apo kong si Anton ay magdiriwang ng 16th kaarawan. Binatilyo na. Biglang tumaas at medyo tumaba at malagong na ang boses. Ang pagmamahal ng lolo sa apo ay isang kaligayahan ‘di maipaliwanag. Malapit na siyang sumabak sa maraming laban ng buhay. Tapos na sa bisikleta, skating, toy cars at iba pang mga laruang binibili ko sa kanya. Panalangin ko magtagumpay at maging matibay siya sa unos ng buhay. Hinubog namin siya ng character, upright values, pagmamahal sa bayan, sa mahihirap at higit lahat, sa Panginoon.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez