NAKAKAALIW ang unang sabak ni Rodel Nacianceno o mas kilala sa showbiz bilang si Coco Martin sa pagdidirek via “Ang Panday”. Hindi lang basta bida at director dito si Coco. Siya rin ang producer dahil gusto niya na ang vision niya ang masusunod.
At dahil sa vision ng pinakasikat na Kapamilya actor (meron pa bang aangal?) na alam ang gusto ng masang Pilipino, naituwid niya ang gusto niyang gawin. Hindi lang ito basta blockbuster hit – marami rin viewers at critics na naghayag ng kanilang pagkagiliw sa bagong Flavio a.k.a. Panday na ginampanan na noon ni FPJ, Bong Revilla, Jericho Rosales at Richard Gutierrez. Mas playful at kahit corny ay napaka-sincere pa rin ng atake ni Coco sa ginagampanang papel.
Ang isa sa pinuri ng mga manonood at kritiko ay ang pagganap ni Jake Cuenca bilang Lizardo. Binigyan ni Jake ng sarili niyang interpretation ang pagiging antagonist at talaga namang may mga bagets na todo hawak sa kanilang magulang sa pagkagulantang sa pagtawa nito. Hindi nito ginaya ang istilo ng past Lizardos like Philip Salvador and Max Alvarado.
Kapag pinanood mo ang pelikulang ito, para ka na rin nakasilip sa Bollywood film na bongga ang set design, kung anu-ano ang hinahalo at may mga song numbers. Pinakabenta sa akin ang Peksman na laughtrip ang bagong dagdag na rap lyrics. Siguro noong bata pa si Coco ay paborito niya itong kantahin kaya alam niya na marami ang makakarelate. Maganda rin na dinagdag nila iyon para kumalma ang viewers sa heavy fight scenes na magaganap.
Pagdating sa love department ay hindi ko masyado naramdaman ang chemistry nina Flavio at Maria (Mariel de Leon). Sana ay naglagay din sila ng female protagonist na hindi lang pagiging maganda ang asset.
Buti na lang at naroon ang tambalang McLisse na kahit limited ang screen time ay nag-stand out naman.
Maraming veteran and child actors na lumabas noon sa FPJ’s Ang Probinsyano ang may partispasyon sa pelikula. Ang maganda rito ay nabigyan sila ng trabaho at importansya ng actor/director/producer.
Hindi na kami magtataka kung sa susunod na MMFF ay may sequel ito. Sana sa susunod ay bigyan din nila ng weird song number si Lizardo. Bebenta ‘yun for sure!
Showbiz Blogster
by Mica Rodriguez
Pinoy Fans Club