SA UNANG araw pa lamang ng bagong taon, sa pagbalik ng mga manggagawa sa kani-kanilang mga trabaho ay binulaga na sila ng bagong pasakit sa bulsa ng ating pamahalaan. Ito ang halos 90% na pagtaas ng pamasahe sa MRT at LRT. Halos doble sa dating P15.00 na naging P28.00 sa pinakamahabang ruta ng MRT. Nagbabanta na ring sumunod ang PNR sa pagtataas na ito.
Ang DOTC, LTO at LTFRB ay nakisawsaw na rin sa indak ng sayaw ng pamahalaan sa temang bagong taon, bagong pasakit sa bulsa. Sa taong ito ay kailangan nang magbayad ng karagdagang halaga na aabot sa P500 na idadagdag mula sa dating sinisingil sa pagpaparehistro. Humigit kumulang naman sa 30% ang dagdag na ito sa dating bayarin sa pagrehistro ng sasakyan dahil sa mga bagong plaka na ipapalit sa lumang plaka ng mga sasakyan. Sadyang mabilis ang indayog ng tugtuging ito dahil hirap na ang mga tao na makisabay sa bilis ng galaw ng mga bayarin.
ANG UNANG tanong na papasok sa ating mga isip ay ano ba ang uri ng pagmamalasakit meron ang pamahalaang PNoy sa mga Pilipino? Baka naman wala talagang pagmamalasakit ang Pangulo sa mga nararamdaman ng mga Pilipino. Ang isang halimbawa ay ang sinasabi ni PNoy na kung pagpapapogi lang ang kanyang iisipin ay madaling hindi suportahan ang pagtataas ng singil ng MRT, kaya lang daw ay ang kapakanan ng nakararami at ng serbisyo ng MRT ang nakasalalay rito. Mahirap din namang maunawaan itong sinasabi ng pangulo dahil hindi katanggap-tanggap ang mga dahilan nila at datos na sumusuporta sa pagtataas.
Ang pakiramdam ng marami ay niloloko lang tayo ng mga galamay ni PNoy sa pamahalaan na para bang tulad ng mga tuso sa merkado na nang-iisa sa mga walang kalaban-laban na mamimili. Maraming mga nasa pribadong sektor ng pamumuhunan at merkado ang nakauunawa ng sinasabi kong panloloko sa tao. Ang ilan sa kanila ay ginagamit ang talino upang malamangan ang isang pobreng mamimili at kumita nang malaki gamit ang kanilang talino at kasanayan sa negosyo. Sa isang salita ay wala sa bokabolaryo ng mga ito ang “business ethics” kung tawagin.
Magandang halimbawa ulit ang naganap na pagdinig sa Senado hinggil sa budget na hinihiling ng DOTC at mga problema sa MRT at LRT. Pagkatapos bigyan ng sapat na budget ang MRT para sa rehabilitasyon ng mga bagon, riles at maging ang pagsasaayos ng mga escalator at elevator na sira, kakulangan pa rin sa budget ang idinadahilan ng pamunuan ng MRT sa pagtataas nila ng singil sa pasahe. Hindi rin binanggit man lang sa hearing ng Senado ang balak nilang pagtataas. Senyales ito na talagang ginagamit nila ang kanilang pagiging tuso sa merkado. Mga paghuhudas na gawi nga kung ituring ni Sen. Grace Poe ang ginawang estratehiya ng pamahalaan.
NGAYON AY isang dagdag na kalbaryo muli sa mga tao ang pag-iisyu ng bagong mga plaka dahil papasanin ng mga tao muli ang babayarang halaga sa bagong plakang ito. Hindi rin lubos na naipaliliwanag sa tao ang dahilan ng pag-iisyu ng mga bagong plaka para palitan ang mga lumang plaka ng sasakyan. Kung susuriin natin ay wala naman talagang sapat na dahilan ang pamahalaan para palitan ang dating mga plaka. Ang malinaw pa sa lahat ay ang motibo ng mga tao sa likod nito na kumita nang malaki sa gagawing transakyon dito.
Ilang milyong sasakyan ang magrerehistro sa taong 2015 simula ngayong buwan ng January? Kung sa unang isang milyon ay magbabayad ng P500.00 karagdagan sa singil ng LTO, maliwanag na may kalahating bilyong piso agad ang papasok na pera sa transaksyong ito. Isipin natin na bilyon-bilyong piso ang perang dadaloy rito at tiyak na may makikinabang. Gaya ng sinasabi ko, may mga taong nasa pamahalaan na ginagamit ang pagiging tuso upang kumita. Ang taong bayan na hirap na hirap sa pang-araw-araw na kumita ng salapi ang ginigisa sa kanilang sariling mantika.
Ang mga datos ng kriminalidad na may kinalaman sa pamemeke ng plaka, gaya ng pagkokolorum ay wala pang 1% sa populasyon ng mga sasakyan ayon sa report ng PNP. Ngunit itong kriminalidad at pagkokolorum ang pangunahing dahilan ng pamahalaan kaya’t pinipilit nilang palitan ang lahat ng mga lumang plaka ng sasakyan. Bakit mo idadamay sa solusyon ng problema ang 99% ng mga sasakyan kung 1% lang naman ang nasasangkot sa problema? Mali na madamay ang 99%, kaya mali ang solusyon sa problema. Dapat ang solusyon ay tututok lamang sa 1% ng mga sasakyang sangkot sa problema. Hasty generalization ang tawag sa pagkakamaling ito.
TIPIKAL ANG ganitong hasty generalization sa pagbebenta ng mga produkto sa merkado. Ganito tayo pinaiikot ng mga tauhan ni PNoy sa pagtataas nila ng mga singilin sa taong bayan. Sa simula pa lang ng termino ni PNoy ay dinale na tayo sa mga pagtaas ng buwis. Ngayong papatapos na ang kanyang termino ay pilit nilang pinipiga ang bulsa ng taong bayan. Para bang isang businessman na naghahabol ng benta dahil papatapos na ang araw at magsasara na ang kanyang tindahan.
Minsan ay tinatanong ko sa aking sarili kung anong mabuting naidulot ng pagkuha ng mga eksperto sa private sector para magsilbi sa pamahalaan. Ang sagot ko ay tila wala namang mabuti kung susumahin sa huli ang lahat. Mas marami kasing paghihirap sa mga taong bayan ang naidulot ng mga ito kaysa kabutihan at ang pinakanakbabagabag ay ang tila pagtrato nila sa taong bayan bilang mga mamimili ng kanilang mga produkto.
Tagalang magkaibang-magkaiba ang pagseserbisyo sa pamahalaan kumpara sa pribado. Ang pagseserbisyo sa pamahalaan ay pagseserbisyo sa taong bayan. Ito dapat ang nasa puso nila.
Ang Wanted Sa Radyo ay napapanood at napapakinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo