SI PO1 Henaro Ruiz ng District Public Safety Batallion (DPSB) ng Manila Police District (MPD) ang isa sa mga dahilan kung bakit naimbento sa diksyunaryo ang salitang DUWAG. Dahil din sa mga nilalang na tulad niya kaya naimbento sa bokabularyo ang salitang SIRA-ULO.
Ang duwag at sira-ulong si Ruiz ay una ko nang naisulat noong July 18, 2012 sa espasyong ito dahil sa sumbong ng 13 years old na binatilyong itatago natin sa pangalang Jayjay. Ipinalabas din sa programa ko sa TV5 ang sumbong ni Jayjay. Dahil doon, nakasuhan si Ruiz ng paglabag sa Republic Act 7610 – ang Anti-Child Abuse Law. Ayon kay Jayjay, tinutukan siya ng baril ni Ruiz noong July 2.
PERO NOONG August 13, muling dumulog si Jayjay sa aking programa sa Wanted Sa Radyo, kasama ang kanyang mga magulang, na nanginginig sa takot dahil noong August 10, Biyernes, sinugod ni Ruiz ang bahay nila.
Halos maghurumentado daw ang pulis sa galit at pinagbantaan silang papatayin dahil sa kanilang pagsumbong sa akin. Sa sobrang kalasingan, nawala na raw sa sarili si Ruiz nang siya’y mag-eskandalo at manakot sa buong pamilya ni Jayjay.
Ang lahat ng ito’y nasaksihan ng mga kapitbahay ni Jayjay. Dahil may dalang baril si Ruiz, sa takot, walang nangahas na awatin ang pulis sa kanyang panggugulo.
AGAD KONG tinawagan si Ruiz. Pero tulad ng dati, noong una ko siyang tawagan sa taping ng Wanted, ayaw niyang magsalita. Ngunit ang pinagkaiba nga lang, ‘di tulad ng dati na pagkatapos ng kanyang hindi pagkibo pagkaraan ng i-lang segundo, pinasa niya ang kanyang telepono sa kamag-anak niyang babae para idepensa siya. Pero noong Lunes, wala siyang kakibo-kibo at pinakikinggan lang ang mga sinasabi ko.
Subalit, nang matauhan, tumawag si Ruiz sa aming telepono. Nasagot ng staff kong si Odette ang kanyang tawag at sumigaw ito ng “put#%* ina mo Raffy Tulfo, papatayin kita!”. Matapos masabi ito, agad niyang ibinaba ang telepono. Naguguni-gunita ko na, na matapos niyang maibaba ang telepono, nanlilisik ang mga mata at tumutulo ang laway ni Ruiz sa sobrang tuwa at saya sa kanyang sinabi.
Pagkatapos maisumbong ang pagmumura at pagbabanta ni Ruiz sa akin, hinamon ko siya sa ere na pumunta sa TV5 at abangan ako sa gate para totohanin niya ang kanyang banta, pero namuti ang aking mga mata at walang dumating na bahag ang buntot at tulo-laway na sira-ulong Ruiz.
ANG UNANG sumbong ni Jayjay noong July 3. Ayon kay Jayjay, tinawag siya ng kapitbahay niyang si Ruiz habang siya ay naglalakad noong July 2 sa may San Antonio Village, Makati.
Inutusan siya ni Ruiz na itulak ang kanyang motor habang nakasampa ang pulis dito papuntang gasoline station dahil naubusan ito ng gasolina. Hindi pumayag si Jayjay.
Pagkalipas ng ilang oras, naabutan ni Ruiz si Jayjay na naglalaro ng trumpo kasama ang kanyang mga kaibigan sa isang kanto. Walang sabi-sabi, binunot ng pulis ang kanyang baril sabay tutok sa binatilyo habang sigaw ang mga salitang “ano bubunot ka? Sige!”
Nang makita ni Ruiz na nakataas ang mga kamay ni Jayjay namumutla at nanginginig sa takot habang nagmamakaawa, biglang bumirit si Ruiz ng nakakabinging halakhak.
Sa talaan ng PNP Women’s and Children’s Desk sa Makati, may nakabinbin ng apat na kaso na isinampa ng mga menor de edad laban kay Ruiz dahil sa kanyang pambu-bully sa kanila.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00PM. Ito ay kasabay na napapanood sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo