IBANG KLASE ang paandar ng bagong serye ng ABS-CBN na Bridges of Love. Kinapitan nang husto ng televiewers ang tungkol sa dalawang magkapatid na lalaki na nag-aagawan sa pag-ibig ng iisang babae.
Gising na gising ang viewers ng pinakabagong top-rating, twitter-trending primetime drama series ng ABS-CBN na Bridges of Love dahil sa mapangahas at mabilis na andar ng kuwento nito na umiinog sa buhay ng magkapatid na sina Gael (ginagampanan ni Jericho Rosales) at Carlos (Paulo Avelino), na matapos paglayuin ng isang malagim na trahedya ay pinag-ugnay ngayon ng pagkabighani nila sa isang kaakit-akit na club dancer na si Mia (Maja Salvador).
Patunay sa pagkahumaling ng mga manonood sa Bridges of Love ang datos mula sa Kantar Media, kung saan humataw ito sa national TV ratings mula nang magsimula itong umere noong Lunes (Marso 16).
Panalo ang serye nina Jericho, Paulo, at Maja sa time slot nito taglay ang national TV ratings na 21.9%, 24.4%, 24.4% at 24.1% mula Lunes hanggang Huwebes (Marso 19). Malaki ang lamang nito kumpara sa katapat na programa.
Mas kakapitan pa ng viewers ang love triangle sa Bridges of Love lalo na ngayong lumalalim na ang espesyal na pagtinginnina Gael at Carlos kay Mia. Paano susubukin ng pagmamahal ang minsan nang nasirang relasyon ng magkapatid? Ang pag-ibig ba ang magsisilbing gamot na hihilom sa sugat ng nakaraan o ito ang lason na tuluyang wawasak sa ugnayan nina Gael at Carlos?
Ang Bridges of Love ay sa ilalim ng direksyon nina Dado Lumibao, Will Fredo, at Richard Somes. Ito ay likha ng Star Creatives production, ang grupong naghatid sa primetime TV hits kabilang ang Princess and I, Got to Believe, The Legal Wife at ang kasalukuyang umeere ring Forevermore.
La Boka
by Leo Bukas