NAKATAKDANG MAGSAGAWA NG masusing pag-aaral ang legal department ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa panukalang modules na gagamitin ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng sex education subject sa ilang mga paaralan.
Sinabi ni CBCP President Nereo Odchimar, matapos umano ang pag-aaral ng legal department ay isusumite naman ito sa Episcopal Commission on Catholic Education at Episcopal Commission on the Family at doon na magkakaroon ng posisyon ang CBCP.
Magugunitang inihayag ni DepEd Secretary Mona Valisno na inimbitahan nila sa isang konsultasyon ang CBCP at iba pang sektor upang suriin ang ipatutupad na sex education subjects.
Subalit sinabi ni Bishop Odchimar na wala pa silang natatanggap na imbitasyon at kung sakali man ay posibleng mangyari na ito sa susunod na buwan matapos ang kanilang pag-aaral.
Bilang reaksiyon, inihayag ni Valisno na muli nilang kakausapin ang CBCP sa dahilang sa Huwebes na ito nila naitakda at naibalik na rin sa kanila ang receiving letter mula sa CBCP.
Sinabi naman ni Odchimar, bubusisiin nila ang magiging implikasyon ng mga probisyon ng modules ng DepEd kung nararapat bang idaan ito sa Kongreso para magpasa ng batas o kaya ay maging government policy. (Benedict Abaygar, Jr.)
Pinoy Parazzi News Service