DUMALO KAMI SA first anniversary presentation ng Wil Time Bigtime noong Sabado sa Smart Araneta Coliseum at personal naming nasaksihan ang napakabonggang presentasyon ng show. Talaga namang pinaghandaan ng Wil Productions ang kanilang unang anibersaryo kaya naman super patok ito sa mga manonood kahit umabot pa ito ng alas-diyes ng gabi.
In between commercials ay tumatakbo kami sa backstage upang mag-interview ng mga guests at mga well-wishers ng show at natiyempuhan naman namin si Tita Annabelle Rama na paalis na ng venue. Kinunan muna namin siya ng mensahe para kay Willie at tanging pag-hanga at papuri lamang ang nasabi niya tungkol sa kaibigan.
Nang matanong naman namin kung sakali ba may mensahe rin siya para kay Nadia Montenegro na nagsampa na naman daw nang panibagong kaso sa kanya, ang tanging nasabi ni Tita Annabelle ay, “May you rest in peace.”
‘Yun na!
SA ANNIVERSARY PA rin ng Wil Time Bigtime, nakausap namin ang main host nitong si Willie Revillame at masaya niyang ikinuwento ang kanyang walang katapusang pasasalamat sa mga taong bayan na walang sawang sumusuporta sa kanya.
Hindi raw niya akalaing pagkatapos ng katakut-takot na unos at hagupit ng intriga, malalagpasan niya ito lahat. Laking pasalamat din niya sa pamunuan ng TV5 na hindi bumibitaw sa kanya at patuloy na nagtitiwala sa kanyang kakayahan bilang host.
Kaya naman ipinangangako niyang hindi siya mapapagod sa pagbibigay tulong, pag-asa at inspirasyon sa kanyang kapwa lalo na ngayong ta-
takbo na sa pangalawang taon ang kanyang programa.
Nagbigay suporta kay Willie sa Samart Araneta Coliseum ang bigwigs ng istasyon sa pamumuno ni Sir Manny V. Pangilinan.
Kaya sa bumubuo ng Wil Time Bigtime at sa TV5, congrats sa napaka-matagumpay na unang anibersaryo ng show.
BLIND ITEM: KINSA siya? Naloka kami sa tsika ng kaibigan naming komedyante isang araw noong isang linggo dahil tawa siya nang tawa sa kanyang ikinuwento tungkol sa isang komedyana-singer-politician na diumano ay nagpa-cater sa kanyang birthday pero hindi ito nagbayad.
Ayon pa sa kanyang kuwento, noong kaarawan daw ni komedyana-singer-politician, todo order daw ito ng lala (read: pagkain) sa isang catering service para sa kanyang mga bisitang dumating.
Wala naman daw sanang problema ‘yun kasi birthday nga naman niya at natural na bongga nga dapat siguro ang kanyang selebrasyon dahil may katungkulan na nga siya sa kanilang bayan.
Ang ikinaloka lang daw ng aming source, ipinadala raw ang bill nito sa governor’s office ng kanilang lalawigan. Eh, hindi naman daw alam ng gobernador sa kanilang lalawigan na siya ang pagbabayarin diumano ng mga pina-cater na pagkain ng singer-komedyana-politician.
Ang ending, pinatanggal na raw ng gobernador sa kanyang partido ang nasabing pulitiko dahil parang masyadong kakaiba na raw ang asta nito.
Hala, palagi na lang silang natsi-tsismis sa pagkain. Gets n’yo na?
Sure na ‘to
By Arniel Serato