NAKU! NAG-SENTI-SENTI ako kahapon, ha! Naalala ko, birthday pala ni Mama Jenny Napoles ngayong araw.
Naalala ko kasi nu’ng last year yata, ang birthday niya, bongga ang celebration na ginawa niya sa Cebu.
Ang daming kilalang personalities na nandu’n, ha! ‘Yung sinasabi kong kilalang mga personalities, hindi ‘yung mga kinakasuhan ngayon, ha!
Ang dami pang nandu’n na ang iba nga nambibintang pa sa mga kinasuhan ngayon.
Hay, naku! Kung alam n’yo lang! Siyempre ayoko nang magsalita pa at ayoko namang madamay d’yan, ‘no! Baka mamaya ipatawag pa ako sa Senado, maloka lang sila sa mga sasabihin ko.
Gusto ko sanang dalawin si Mama Jenny sa Sta. Rosa, para mabati man lang sana. ‘Di ko lang alam kung paano. Mahirap yata.
‘Di bale, ipagdarasal ko na lang si Mama Jenny.
ANG LAKI na nga pala ng mga anak ni Ogie Alcasid kay Michelle Van Eimeren na nasa Australia!
Kuwento ni Regine Velasquez sa presscon ng concert nila ni Martin Nievera na Voices of Love, nu’ng huling bakasyon daw nila ni Ogie kina Michelle sa Australia, ang lalaki na raw ng dalawang dalagita ni Ogie at ang panganay nga raw na si Leila ay graduate na raw sa high school at nagtatrabaho na ito.
Doon kasi sa Australia, basta graduate ka na sa high school, puwede na itong mag-work at nabigyan na ng permit to drive. Ang isa pang nakakaloka ay may boyfriend na raw ito.
Natatawa nga raw sila kay Ogie dahil kunwari okay lang, cool dad lang ang drama pero hindi naman daw makatingin nang diretso sa anak niya kapag kasama ang boyfriend.
Pero mababait naman itong mga anak nina Ogie at Michelle dahil kahit sa Australia na talaga sila lumaki, nandiyan pa rin ang Pinoy na pagpapalaki sa kanila. Parang Pinay na rin kasi si Michelle, eh.
Ang isa pang naaliw ako sa kuwento ni Regine, itong anak naman niyang si Nate, may pagkaharbatera pala.
Si Martin ang nagbuking na kapag dala raw ito ni Regine sa mga meetings nila o rehearsal, wala raw itong ginawa kundi manghingi ng barya para ihulog sa alkansiya nito.
Nakuha raw ‘yan ni Nate kay Ogie na napakamasinop daw. Hanggang ngayon nga ay may piggy bank pa raw is Ogie na kapag napupuno raw niya ito tuwang-tuwa. Kaya tini-train na rin daw nila si Nate na maging masinop. Natutuwa naman daw ito sa pag-ipon ng mga barya sa piggy bank niya, ‘yun nga lang galing sa mga panghaharbat niya. Gusto yata akong talbugan ni Nate, ha!
Siyanga pala, Sa Februrary 14 na pala itong concert nina Regine at Martin na Voices of Love na gaganapin sa SM-MOA Arena.
HINDI RAW nadala si Gov. ER Ejercito sa pagpu-produce ng pelikula kahit hindi gaanong maganda ang kinalabasan ng entry nila sa MMFF na Boy Golden.
Natetano pa nga pala ito nang nasugatan siya sa shooting, kaya ilang araw din siya sa hospital.
Pati si KC Concepcion ay nagkasakit din kaya magpapahinga raw muna ito sa pag-aartista at mag-aaral pa yata siya muna.
Sabi ni Gov. ER, kahit nalugi siya sa Boy Golden, sasali pa rin daw siya sa MMFF dahil pangako raw niya ‘yan sa movie industry na dapat makagawa siya ng pelikula taun-taon kahit isa lang.
Balak yatang gawin ni Gov. ER ang Si Pedro Penduko at Si Mariang Makiling.
Pero sa ngayon ay abala muna siya sa Palarong Pambansa na kung saan magiging host ang lalawigan ng Laguna.
Bongga si Gov. ER, ‘di ba? Talagang pinabobongga niya ang Laguna!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis