MASAYANG-MASAYA ANG YOUNG actor na si Edgar Allan Guzman dahil bukod sa kanyang dalawang regular shows sa TV5, ang Fantastik at Lokomoko U ay may dalawang entry din ito sa gaganaping Cinemalaya Filmfest sa July 15-24, 2011 na siya mismo ang bida.
Ang una ay ang Bisperas with director Jeffrey Jeturian. Kung saan ginagampanan ni Edgar Allan ang papel ng bunsong anak nina Tirso Cruz III at Racquel Villavicencio. Makakasama niya sa nasabing pelikula ang mga de-kalidad na aktres sa bansa na sina Julia Clarete at Jennifer Sevilla na gaganap bilang mga kapatid niya.
Ang isa pa ay ang Ligo Na U, Lapit Na Me ni direk Erick Salud at sinulat ni kaibigang Noel Ferrer at Jerry Gracio. Makakasama daw niya si Lovi Poe dito. Romantic-comedy ang tema ng pelikula.
Tsika nga ni Edgar, medyo kabado siya sa pagtatambal nila ni Lovi dahil alam daw niyang may tropeyo na as Best Actress ang anak ni FPJ, kaya naman hindi maiwasang kumabog ang kanyang dibdib sa bawat eksenang magkasama sila.
MUKHANG HINDI NA yata happy ang aming kaibigan at magaling na comedian/host/businessman na si Arnell Ignacio sa nangyayari sa kanyang career. Ilang taon na rin naman siyang hindi nabibigyan ng bago at magandang shows.
Kaya naman balita namin ay balak na nitong mag-migrate sa Canada para doon na manirahan at mag-business. Isang very tempting offer daw kasi ang natanggap ni Arnell mula sa isang malapit na kaibigan sa Canada at hinihikayat nga siyang sa Canada na manirahan.
Pero pinag-iisipan pa ito ni Arnell dahil na rin kahit hindi siya aktibo sa showbiz, marami naman siyang business dito sa Pilipinas. Bukod pa sa umaalagwa at talaga namang sumisikat na ang kanyang radio program na No More Lonely Night with Arnell Ignacio na napapakinggan sa Inquirer, 10 pm to 1 am.
Susubukan daw muna ni Arnell at makikiramdam sa Canada bago mag-desisyon kung tuluyan na siyang titira doon pagpunta niya roon sa June for a series of shows para sa Pinoy TV. Kabog!
KUNG NO. 1 sa mga kabataan sa Canada ang Tween Hearts , swak at pasok na pasok naman sa mga ‘adults’ ang mga shows na Dwarfina, Babaeng Hampaslupa, My Lover, My Wife, Imortal, Mara Clara, Mutya, Mastershowman at ASAP.
Kapag nagsasama-sama nga sa Vancouver hanggang sa Nanaimo at iba pang karatig probinsiya sa Canada ang ating mga kababayan, hindi maisawang pag-usapan ng mga ito ang mga episode ng nasabing shows sa atin. At kahit nga busy as a bee ang mga Pinoy dito, binibigyan nila ng oras ang mga sarili para panoorin ang mga paborito nilang Filipino shows.
All eyes din ang mga Pinoy sa ating Pinoy contender na si Thia Megia sa American Idol. Talaga namang pinanood daw nila at sinasabihan ang kanilang mga kamag-anak sa America na bumoto at suportahan ang aspiring singer.
DEADMA LANG DAW si Shalala sa dami ng bumabatikos sa kanyang partisipasyon sa controversial show na Juicy. Tsika ni Shalala na alam naman daw niya ang pinasok niya, kaya naman handa siya sa kung anumang negatibo ang ipukol sa kanya.
Ang mahalaga daw sa kanya ay may trabaho siya at dahil dito ay nasusuportahan niya ang kanyang pamilya at ang pamangkin na may sakit. Sa kanila lang daw siya humuhugot ng lakas ng loob para ipagpatuloy pa ang kanyang trabaho.
Ayaw daw niyang panghinaan ng loob dahil kailangang-kailangan niyang magtrabaho para sa kanyang mga mahal sa buhay. Aminado naman si Shalala na hindi niya mapi-please ang lahat, kaya kung may negatibong publicity man na maisulat sa kanya, hindi na lang niya binabasa para hindi sumama ang loob niya.
John’s Point
by John Fontanilla