IIWAN NA NI Shalala ang radio program nila ni Kuya German Moreno sa DZBB, ang Walang Siesta, na napapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes tuwing 2:30 to 3:30pm ngayong 2011, at hindi na ito pipirma pa ng panibagong kontrata? Ito ngayon ang kumakalat na balita sa apat na sulok ng industriya.
Mula mismo kasi sa isang reliable source ang nagtimbre sa amin na magkakaroon ng kanyang sariling radio program si Shalala sa Singko kaya naman daw no choice ito kung hindi mamaalam na sa program nila ni Kuya Germs. Bukod pa rito ang pamamaalam din ni Shalala bilang staff ng Walang Tulugan With The Master Showman, para mag-concentrate na sa mga shows na gagawin nito sa Kapatid Network.
Pero sa ngayon, tanging ngiti lang ang itinutugon ni Shalala ‘pag natatanong sa nasabing issue. Mukhang ayaw pa nitong idetalye kung ano ang kanyang magiging desisyon, pero mukhang buo na ang desisyon nitong magpatali sa Singko lalo na’t alagang-alaga siya ng Kapatid Network. Kaya naman mukhang tuloy na tuloy na nga ang pag-aalsa-balutan nito sa Siyete papuntang Singko. ‘Yun na!
DEADMA NA LANG daw ang Shoutout at My Driver Sweet Lover mainstay at image model ng Olive C na si Benjamin de Guzman sa mga nang-iintriga sa kanya sa paglipat from TV5 to ABS-CBN.
“Naku, ayaw ko na lang pong intindihin kung ano man ang sinasabi ng iba, na kesyo wala raw akong utang na loob sa TV5, na basta ko na lang iniwan at lumipat ako ng ABS-CBN.
“Tumatanaw naman ako ng utang na loob sa TV5. Lagi ko namang sinasabi na thankful ako sa kanila, kasi sa kanila ako nagsimula at naging maganda naman ang pakikitungo nila sa akin.
“At hindi ko rin naman itinatago na sa TV5 ako nagkaroon ng kauna-unahan kong award mula sa Star Awards For TV sa kategoryang Best New Male TV Personality para sa Midnight DJ guesting ko.”
Bakit nga ba siya lumipat ng network?
“Actually, desisyon po ‘yun ng parents at manager ko. Bago ako lumipat, kinausap nila ako at ipinaliwanag nila sa akin ang lahat-lahat. Ang sabi ko, kausapin muna ang TV5 bago ako lumipat.
“Sabi ng manager ko, pinagre-report ako sa ABS-CBN kasi may bagong teen show na bubuksan. Ito nga pong Shoutout.
“Tamang-tama na nawala na ‘yung character ko sa BFGF (teen show sa TV5). At dahil hilig ko talaga ang kumanta at sumayaw, dahil galing ako sa boyband, kaya sabi ko, sige i-try ko.
“Tapos nu’ng pumunta ako ng ABS-CBN, masuwerteng nakuha ako kaya nag-start na akong mag-workshop. Hanggang sa magsimula nang mapanood ang Shoutout.
“Ang alam ko, kinausap ng manager ko ‘yung mga boss ng TV5 kaya maayos naman ang paglipat ko. ‘Yun nga lang, hindi ko talaga naiwasang malungkot nu’ng nagpapaalam na ako kasi pamilya na kaming lahat.
“Tapos, nakita ko ‘yung ibang co-artists ko na umiiyak at sinasabihan akong huwag nang lumipat, kaya nalungkot din ako. Pero buo na kasi ‘yung desisyon namin na subukan ko na magtrabaho sa ABS-CBN.”
MAY BAGONG GRUPO nanaman na pihadong kalulugdan ng mga Pinoy music lovers sa katauhan ng grupong All For Patricia na 3 months old pa lang, pero may sarili na silang album produced by Mr. Pao Arceo at distributed by Synergy, kung saan ito’y naglalaman ng 10 cuts, at ang kanilang carrier single ay ang hit song na “Paasa” na mapapanood na ang MTV sa MYX .
Ang All For Patricia ay binubuo ni Carla Abellana look-a-like na siya ring bokalista ng grupo na si Patricia Lorraine Rosal, kung saan galing din ang pangalan ng gurpo, Popo Pineda – drums, JR Oca – guitars at Berns Cuevas – bass.
Tsika ni Patricia nang makausap namin sa launching ng kanilang album sa MOA sa San Miguel By The Bay at araw mismo ng kanyang kaarawan last Tuesday, sana raw ay yakapin at kalugdan ng mga Pilipino ang kanilang musika katulad ng pagtangkilik ng mga ito sa mga nauna nang Pinoy band.
John’s Point
by John Fontanilla