UMAGA PA lang noong Linggo, January 22, nasa Ayala Westgrove na kami para sa coverage ng wedding nina Congressman Roman Romulo at Councilor Shalani Soledad.
Una muna naming pinuntahan ang simbahan pero may mga scheduled mass pa before the wedding kaya pumunta muna kami sa hotel kung saan billeted ang magkasintahan.
Mga bandang alas-dos ng hapon ay nagsimula na ang pagmi-make up kay Shalani. Mga alas tres naman ng hapon ay naghahanda naman si Congressman Roman. Naitanong namin sa kanya kung nakatulog ba siya the night before na sinagot naman niyang, “Umaga na nga, eh.” Excited daw talaga siya sa kanilang kasal.
Mga bandang 4:45 ng hapon ay tumulak na ang groom papuntang Saint Benedict Church. Mga alas-singko naman ng hapon ay ang bride naman ang umalis nang hotel para tumungo na sa simbahan.
Mga 6:45PM ganap nang Mr. and Mrs. Romulo sina Roman at Shalani.
After the wedding, nakausap namin sila para sa Paparazzi Showbiz Exposed Wedding Special at naitanong namin sa kanila kung saan nga ba ang honeymoon. Pinaplano pa raw nila ito kasi balik trabaho raw agad si Cong. Roman sa Kongreso. So abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata.
KUWENTO SA amin ni Nanay Cristy Fermin, isang source ang nagpaabot sa kanya nang detalye kung paano muling nagkita at nagkausap sina former Congressman Ronald Singson at Lovi Poe. Sakay raw ang dalawa sa isang private plane at pumunta ng Cebu. Pagdating sa airport ay isang Limousine naman daw ang sinakyan ng dalawa pa-punta sa isang exclusive hotel. Madaling araw din ng araw na iyon ay tumulak pabalik ng Maynila ang dating magka-sintahan sakay ulit ng private plane.
Sana, all’s well that ends well na sa kanila ni Sir Ronald at Lovi.
Incidentally, nakita namin sa reception ng kasal nina Roman at Shalani si Cong. Ronald at nabanaag namin sa mukha nito ang kasiyahan at lalo pa itong gumuwapo sa paningin namin.
NOONG JANUARY 13, 2012, naganap ang eleksiyon para sa bagong set of officers ng Philippine Movie Press Club, ang premiere showbiz writers group ng bansa. Nanalo ang veteran writer at columnist na si Roldan Castro bilang Presidente ng grupo na mamamahala sa club sa taong 2012.
“Happy siyempre, pero mas pagbubutihan ko pa ang tungkuling iniatang sa akin ng club,” ito ang mensahe ni Roldan sa amin nang aming makapanayam via text messaging.
Dagdag pa niya, “Bukod sa ma-buting pamamalakad, gusto kong mapanatili ang ang kredibilidad ng Star Awards. Bumalik ako dahil ang prayoridad ko ngayon ay ayusin ang constitution ng PMPC dahil marami nang dapat baguhin lalo na sa cut-off ng Star Awards for TV. Gusto ko rin na hindi lang ang Presidente ang nasa bilangan ng result kundi kasama ang Vice-President at Chairman ng awards night.”
Ang PMPC ang nagtatag ng Star Awards for Movies, Star Awards for TV at Star Awards for Music na incidentally ay si Roldan ang nagpasimuno.
Matatandaang naging president na rin ng club si Roldan noong 2009. Inumpisahan niya noon ang Star Awards for Music kaya naman siya ang tinatawag na ama ng Star Awards for Music.
Isang magandang regalo raw ito sa kanya ng mga miyembro ng PMPC dahil nagkataong silver anniversary niya sa taong ito nang kanyang pagiging showbiz writer.
Kahapon, January 24, mga alas-dos ng hapon naganap ang induction ng newly-elected officers ng PMPC sa isang resto-bar sa Quezon City and no less than Batangas Governor and Star For All Season Vilma Santos ang nagsisilbing inducting officer. Dumalo rin ang presidente ng National Press Club na si Jerry Yap.
Kasama ni Roldan na mamumuno sa club ngayong 2012 sina Rommel Galapon (VP), Jimi Escala (Sec.), Ador Saluta (Asst. Sec.), Boy Romero (Treasurer), Blessie Cirera (Asst. Treasurer), Joe Cezar (Auditor), Beth Gelena (PRO). Kabilang naman sa mga nahalal na board of directors sina Julie Bonifacio, Veronica Samio, Letty Celi, Ernie Pecho, Gerry Ocampo, Timmy Basil, Benny Andaya.
Sure na ‘to
By Arniel Serato