OLA CHIKKA! NOONG Lunes ng gabi, napanood ko nga itong Wiling Willie ng Kapatid Network at nasaksihan ko kung paano nila i-welcome itong si Councilor Shalani Soledad bilang bagong regular co-host ni Willie Revillame. To the highest level kung purihin siya ni Willie na akala mo ay super duper galing. Ngunit para sa akin, hindi satisfying ang kanyang pagho-host. Malamang, isa ba namang councilor at ex-gf ng Pangulo ay makasama mo sa iyong programa, tiyak na isang advantage na iyon.
Bilib ako kay Shalani, ngunit hindi pagdating sa hosting. Ang Willing Willie ay isang programa na kinakailangang mayroon kang bonggang-bonggang enerhiya upang mahikayat at maipamahagi mo sa tao, ngunit mukhang ang pagiging mahinhin niya ay hindi tumugma sa format ng programa.
Noong napanood ko siya, unang interpretasyon at tingin ko sa kanya ay para siyang isang madreng nagdadasal dahil sa kanyang pagkamahinhin. Siguro masyado pa ngang maaga ang pagbibigay ko ng opinyon sa kanyang kakayahan bilang host, dahil noong Lunes lamang siya nagsimula. Kaya dapat talagang galingan niya upang patunayan na karapat-dapat siya sa kanyang posisyon bilang entertainer.
Ngunit hindi lamang iyan ang pagpapatunay na kanyang dapat gawin kundi maging ang buong pagkatao niya. Nabasa ko kasi sa isang tabloid na naglabasan na ang balitang mayroon na siyang dalawang anak ngunit hanggang sa ngayon, wala pang patunay ang intrigang iyon kaya’t maraming hindi rin naniwala at kabilang ako sa mga iyon. Maaaring ang chikkang iyon ay nagmula lamang sa kanyang detractors na ang tanging motibo ay sirain at pabagsakin siya. Hmmm… kailangan n’yo pa ng clue kung sino ang nasa isip ko na may pakana niyon?!
SA PANONOOD KO kay Shalani, aking nakita rin itong si Cristy Fermin na kung makaporma du’n, akala mo’y producer. Bigla ko tuloy naalala ang kanyang interview sa aking kaibigang si Morly Alinio sa kanyang programa sa DZRH noong Linggo lamang ng tanghali. Nang tanungin siya kung mayroon nga ba kaming alitan, doon naungkat muli ang isyu way back Dec 2008 to January 2009 yata, ‘di ko tanda ang exact date. Ngunit iyon ang mga panahong nasa ICU ako ng Lung Center of the Philippines sa sakit kong emphysema.
Ang kuwento kasi ay ganito. Lumapit ang nanay ng mga anak ko na si Betchay kay Cristy upang humingi ng tulong kay Willie dahil sa laki ng bill ko. Malamang noong mga panahong iyon, wala akong alam dahil nasa ICU nga ako. Ngunit bilang ilaw ng tahanan, minabuti ni Betchay na magdesisyon at dumiskarte ng pambayad, at isa nga si Willie sa mga naisip niyang maaaring tumulong. Ang sagot lamang ni Cristy ay subukan na lang daw nitong dumiretso kay Willie dahil nga sa patuloy na paninira ko nga raw mismo kay Willie sa aking column at mga radio shows.
Uulitin kong muli, hindi ako naninira kung hindi sadyang namumuna lamang ako at hindi lang ako basta namumuna kung hindi ang mga mali at hindi magandang gawain lamang ang akin sinisita o kinukumentuhan. Mapatutunayan ko iyan sa tagal ko na rito sa industriya, dahil sa loob ng almost 41 years ko na sa showbiz industry, kahit isang demanda ay wala ako and I’m proud to say na malinis ang pangalan ko.
At isa pa, kahit kailan hindi ginamit ni Betchay ang pangalan ko para manraket sa mga kilalang personalidad sa showbizness at politics. ‘Wag mo kaming itulad sa iyo, Cristy. Bawat ihip ng hangin, siya ring pagbago ng paniniwala mo. Noong kasama ko pa itong si Willie sa Channel 9, ikaw ang number one na pumupuna sa kanya at halos sirain mo pa. Ngunit ngayon, ikaw ang unang-unang nagdedepensa, marinig lamang ang pangalan na Willie Revillame. Ngayon, sabihin mo nga, sino sa ating dalawa ang tunay na balimbing at hindi kapani-paniwala?
BLIND ITEM: PITIK-BULAG! Mahulaan n’yo kaya itong kilalang personalidad sa mundo ng fashion world na sinasabing mapagpanggap. Bhuket?! Ang chikka kasi ng aking parazzi girl nang magpunta siya sa isang beauty salon nitong kilalang personalidad, nawindang daw talaga siya sa sigaw ng isang hairstylist doon.
Kasi itong si Hairstylist # 1 ay baguhan pa lamang kaya nang maubusan ng pangkulay ng buhok ay isinigaw niya kay Hairsytlist # 2 na wala na silang pangkulay ng buhok na local lamang ang tatak.
Ayun at agad-agad sinabihan ni # 2 si # 1 na huwag maingay lalo na at naririnig nga ng kanilang mga customer dahil ang press release pala ng may-ari ng salon ay lahat ng gamot na ginagamit nila ay imported. Kaya naman naniwala ang mga tao, dahil galing din mismo talaga ang kilalang personalidad sa ibang bansa kaya kahit isalin lamang nila ang local na gamot sa buhok sa imported na boteng walang laman ay kering-keri na ng salon dahil nga… tiwala na ang mga tao dahil kilala na siya sa mundo ng pagpapaganda.
Ano?! Gusto n’yo pa ba ng clue?! ‘Wag n’yong sabihing hindi n’yo mahulaan ang napakadaling pitik-bulag na ito, ha?! Ha-ha-ha!
Kung hindi n’yo pa rin mahulaan, pakisubaybayan na lamang po sa aming programa ni Lady Camille sa DWSS 1494 kHz, weekdays, 11:30-12 nn, upang makigulo at maging una sa mga chikka. At patuloy pa rin po akong subaybayan sa DZRH TV tuwing Linggo, 2:30-3:30 p.m. Thank you very much and God Bless us all!
Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding