KAALIW KAUSAP si Valenzuela Councilor Shalani Soledad-Romulo dahil walang malisya at kaplastikan sa kahit anong klaseng tanong.
Sa presscon kasi ng Game ‘N Go, naitanong kay Ms. Shalani kung hindi ba makaaapekto sa kanya ang paglabas niya sa TV every Sunday sa pagho-honeymoon nila ni Pasig City Congressman Roman Romulo.
Sagot niya na ikinatuwa ng press, hindi naman daw dahil Monday to Saturday ay nagho-honeymoon sila. Bale, Sunday lang pala ang pahinga nila sa kama dahil kasama siya sa bagong game show ng TV5.
Pero pagdidiin ni Shalani, wala pa rin sa plano nila ang magkaanak. Basta they enjoy bilang mag-asawa. Sabi pa ni Shalani, tuloy pa rin ang pagtakbo niya sa darating na election at this time ay congresswoman na ang kanyang papasukin.
Natawa rin ang press sa tanong kay Shalani kung ano ang pagkakaiba ng pagho-host nina Willie Revillame at Joey de Leon?
Wala raw song and dance number sa opening ng show.
INISIP PALA ni Edu Manzano na baka magkaroon sila ng tampuhan ni Joey de Leon sa pagsasamang mag-host ng Game ‘N Go.
Knowing daw Joey na mahilig mang-asar at magbiro. Eh, siya (Edu) ay mahilig din magbiro na baka raw magkapikunan sila.
Pero gusto ni Edu makasama ang isang Joey de Leon sa isang show kaya tinanggap niya ang offer ng TV5 kaysa bumalik sa GMA-7.
Ang pag-alis niya sa GMA-7 ay dahil hindi raw ugma sa kanya ang show na ibinibigay sa kanya. Not like daw sa offer ng TV5 na open sa lahat ng idea at mag-experiment ng show. ‘Yun daw ang nagustuhan niya sa Kapatid Network kaya nagdesisyon siyang lumipat sa TV5.
Ask kung sino sa kanila ni Joey ang mas mataas ang talent fee. Kaagad na sinabi ni Edu na dapat lang daw na mas malaki ang talent fee ni Joey kaysa sa kanya.
Malaki ang paghanga niya kay Joey at mas hamak na marami na raw experience ito kumpara sa kanya pagdating sa TV at pelikula.
INAMIN NI Direk Maryo J. delos Reyes na lumapit sa kanya ang actor na dalawang taong ginamot sa mental hospital para magpatulong maka-balik ng showbiz.
Dahil magaling naman na actor at nangako kay Direk Maryo na pagbubutihan na ang pag-aartista ay bibigyan siya uli ng pagkakataong umarte.
Ayon kay Direk Maryo, maraming actor ang nalilihis ng landas pero nagsisisi rin sa bandang huli na binibigyan niya ng pagkakataong makabawi. Tulad ni Jiro Manio na magaling na actor pero nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Humingi ng tulong kay Direk Maryo na nangakong magbabago kaya tinanggap uli at binigyan ng pangalawang pagkakataon.
Nandiyan din si Romano Vasquez na nakita namin sa Laguna sa resort ni Direk Maryo J na masayang-masaya dahil tinanggap siyang maging isa sa mga talent ni Direk. Nalulong din sa pinagbabawal na gamot si Romano at ngayon ay pinaglalabanan na umiwas sa bawal na gamot.
Ask namin si Direk Maryo kung anong reaction niya sa isyung tapunan siya ng mga artista nalulong sa pinagbabawal na gamot?
“Wala namang masama na tumulong sa mga artistang nalihis ng landas na gusto nang magbago.Tao lang sila na nagkakaroon ng problema. Ang kaso lang ay hindi kaagad nila nakakayanan ang problema kaya idinadaan sa paggamit ng bawal na gamot,” say ni Direk Maryo J.
Sabi pa ni Direk Maryo J., masuwerte pa nga raw ang mga artistang nalulong sa pinagbabawal na gamot, kaysa roon sa artistang nawala sa katinuan ang pag-iisip. Kaya ayun, matatagpuan sa loob ng mental hospital.
Ngayon ay magaling na raw ang actor na dalawang taong nanatili sa mental hospital. Sa tulong ng gamot at asikaso ng mga taong nagmamahal sa actor ay gumaling na ito nang tuluyan.
“Nakita at nakausap ko na siya. Magaling na siya. Kapag may project na bagay sa kanya, kukunin ko siya,” pahayag ni Direk Maryo J.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo