Sharon

NOONG MAY 12, 2012 episode ng Sharon sa TV5, ipinalabas ang guesting naming magkakapatid na Mon, Erwin at ako. Sa taping ng nasabing episode, iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakaharap ko nang personal ang Megastar.

Matagal na akong tagahanga ni Sharon dala ng aking misis na si Jocelyn – na isang diehard Sharonian. At nang makita ko siya nang personal, mas lalo akong napahanga dahil “tunay siyang tao”. Ibig sabihin, ang mga sinasabi niya sa kanyang mga kaharap na tao ay nanggagaling sa puso at spontaneous – hindi scripted.

Masaya siyang makipag-usap at bakas sa kanyang mukha at anyo na nagagalak siya sa kanyang mga kausap dahil sa kanyang walang katipid-tipid na masasaganang tawa at ngiti.

NARANASAN NA rin namin maging guest sa ibang mga show at ‘di mawala sa aking isipan ang ikumpara ang host ng nasabing mga show kay Sharon.

Para sa akin, madali kong malaman kung ang isang host ng show na imbitado kami ay natutuwa na kami ay naging guest ng kanyang show o napipilitan lamang siya at wala nang magawa dahil kami ang gustong isalang ng kanyang executive producer.

Hindi ko makalimutan nang minsang naging guest kaming magkakapatid sa isang show. Bagama’t mukhang mainit naman ang pagtanggap sa amin ng host pero natawa ako sa aking sarili nang pagsabihan kami na huwag mag-alala at konting pasensya lang sapagkat makikilala rin ang aming mga pangalan.

SA NASABING taping namin sa Sharon, nagulat ako’t hindi ko akalain na ang isang Megastar ay pinakikinggan pala ang aking radio program maging ang ibang mga show ng aking mga kapatid. Lalo pa ako natuwa nang purihin niya ang mga ginagawa naming magkakapatid sa aming mga show.

Napahanga rin ako nang aking malaman na magaling siyang mag-alaga ng kanyang mga staff.  Hindi siya madamot na ibahagi sa kanyang mga kasamahan ang mga biyaya na ipinagkakaloob sa kanya.

Halos lahat ng kanyang mga staff ay matagal na niyang kasama sa iba niyang mga show na binitbit niya para matamasa rin nila ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.

Pero hindi lamang sa kanyang mga staff magaling tumulong si Sharon, napabalita na rin noon na may mga kasamahan siyang mga taga-showbiz na hindi siya nagdalawang-salita na tulungan ng sila ay lumapit sa kanya. Sa madaling salita, nasa kanyang pagkatao ang kanyang pagiging matulungin at mapagmahal sa kapwa.

Ang ugali niyang ito ay kanyang minana sa yumao niyang ama na si Mayor Pablo Cuneta. Si Mayor Cuneta ay nakapagsilbi nang napakahabang panahon sa Pasay. Labis siyang minahal ng mga taga-Pasay dahil sa kanyang walang alintanang pag-aalaga at pagmamahal sa kanila.

MARAMING MGA taong makikitid ang pag-iisip at pinupuna ang pagkakadagdag sa kanyang timbang, animo’y nakasalalay ang pagkatao at talento ni Sharon sa kanyang katawan.

Bumigat man o gumaan ang timbang ni Sharon, para sa akin, ang mahalaga ay ang pagkakaroon niya ng magandang puso at maayos na pakikitungo sa kapwa lalo na sa kanyang mga katrabaho. Ito ang dahilan kung bakit para sa kanyang mga diehard fans, isa lang ang Megastar magpakailanman.

And talking about diehard fans, si Jocelyn ay isa sa kanila. Noong ako ay disc jockey sa isang FM station sa probinsya maraming taon na ang nakakaraan, noong ni-liligawan ko pa siya, binigyan niya ako ng plakang  “ Mr. DJ”. Binigyan ko naman siya ng plakang “ PS I Love You”. Makaraan ang ilang linggo, Valentine’s Day, sinagot ako ni Jocelyn. Simula noon naging bahagi na si Sharon sa buhay naming mag-asawa.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleBenepisyo sa SSS, Puwede Bang Mapunta sa Kinakasama?
Next articlePinoy Parazzi Vol 5 Issue 94 July 23 – 24, 2012 Out now!

No posts to display