ILANG BESES NA naming tinutukan ang station ID ng ABS-CBN, nagbabaka-sakaling biglang lumitaw sa bandang huli si Sharon Cuneta. Pero palagi kaming bigong masilayan ang mukha ng Megastar sa TV screen. Pilit pa rin naming pinapaniwala ang aming sarili na hindi totoo ang tsismis. May tsika pa nga, ilang beses na raw ini-schedule si Sharon sa taping ng station ID pero palagi raw itong busy at hindi puwedeng mag-taping. Sa pangyayaring ito, nangangahulugan kayang tuluyan na ngang iiwan ni Sharon ang Kapamilya Network? Hanggang ngayon kasi matunog pa rin ang bali-balitang lilipat na ng TV5 ang Megastar kahit itinanggi niyang hindi totoo ang balita.
Nakausap namin ang isa sa mga haligi ng TV5, sinabi nito na mismong si Vic del Rosario ang nakipag-negotiate kay Mr. Manny Pangilinan para kay Sharon. Si Boss Vic na raw ang tumatayong manager ng actress sa TV5, ayon sa aming reliable source. Sobrang laki raw ang offer ng Kapatid Network sa Megastar kaya hindi ito nakatanggi. Bukod sa sobrang laki ng TF, bonggang-bonggang TV shows pa daw ang naka-line-up na gagawin nito sa nasabing network.
Knowing Sharon, hindi ito nakukuha sa laki ng ibabayad sa kanya. Mas binibigyang halaga nito ang friendship na mayroon sila ng Kapamilya Network. Alam natin kung gaano siya mag-treasure ng mga kaibigan. Ewan lang natin kung ano talaga ang mabigat na dahilan kung sakaling nga mag-ober da bakod ang Megastar. Hindi kaya siya masaya sa mga shows na ibinibigay sa kanya ng ABS-CBN ? Tanging si Sharon Cuneta lamang ang makasasagot nito.
This December raw nakatakdang lumipat si Sharon sa TV5 at dito na rin daw siya magse-celebrate ng kanyang birthday na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum, ayon sa aming reliable source. Hangga’t hindi nililinaw ni Sharon ang tungkol dito, patuloy na pag-uusapan ang issue ng paglipat niya sa ibang network. Hintayin na lang natin ang magiging pahayag ng nag-iisang Megastar Sharon Cuneta.
SPEAKING OF TV5, halos lahat ng malalaking artista ng ABS-CBN at GMA ay pinipirata na nila. Ooperan ng malaking halaga para makuha nila. Of course, tatanggapin ang offer lalo na kung per project lang ang kontrata ng mga ito. Puwede silang magpalipat-lipat ng ibang network pagkatapos ng kanilang teleserye.
Ang problema, kahit gaano kalaki ang project, hindi nagsi-shine ang mga sikat na artista sa kani-kanilang teleserye. Hindi glossy ang dating sa manonood. Parang wala lang, ganu’n lang ‘yun. Maganda lang sa umpisa pero habang pinapanood mo nagiging boring na ang mga ito. Maging sa rating ng kanilang soap, palagi na lang silang kulelat. ‘Yun lang po.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield