Tuwang-tuwa ang mga residente ng B.Gonzales sa may Katipunan nang dumating ang dalawang malalaking pangalan sa showbiz – sina Megastar Sharon Cuneta at Kris Aquino.
Dumating si Kris doon para magpakita ng suporta sa last leg ng Rock the Vote campaign na pinangunahan ni Senator Kiko Pangilinan. Matagal na ang Rock the Vote campaign nila Sen. Kiko Pangilinan at nakalibot na ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa at pati sa Hongkong ay nakarating na rin sila. At sa pagkakataong ito, mula sa Rock the Vote campaign, ito’y naging Pinoy Power Rocks the Vote.
“I’m just very happy to be here to show my support para magparehistro ang mga kabataan at bumoto sa darating na election,” paliwanag ni Kris habang hinihintay niya si Sharon na bumaba mula sa kanyang sasakyan. Paglabas ni Sharon, wala nang tigil ang mga ilaw mula sa mga camera. Tuwang-tuwa si Sharon at sinabing, “I’m very happy that Kris is here to support our Register to Vote campaign. Lagi ko namang sinasabi na lagi kaming nakasupporta kay Noynoy.”
Nagtataka ang lahat na baka raw kasi may isang big announcement na gagawin sina Kris at Sharon. Pero agad naman nila itong pinabulaanan at sinabing kung meron daw announcement silang gagawin, ito ang kanilang shooting para sa Mano Po 6 na magsisimula na sa Huwebes. Excited na silang dalawa at sinabi ni Sharon na, “I’m very thankful kay Kris talaga kasi hindi siya nagpabayad para sa kanyang cameo role sa Mano Po 6.”
Maraming nagpakita ng suporta sa naturang event, mga kabataang volunteers at mga bandang nag-provide ng entertainment para sa mga taong dumalo doon.
NAGSIMULA NA KAHAPON, Linggo, ang rehearsals ng mga Star Magic artists para sa kanilang Star Magic World Tour show na gaganapin sa Araneta Coliseum sa November 13. Maraming artistang makikita rito sa konsiyertong ito. Mga naglalakihang mga pangalan at bonggang mga production numbers, na pinakita nila sa kanilang US tour, at dadalhin nila sa Araneta Coliseum. Masuwerte talaga ang mga makapanonood ng konsiyertong ito at pinakamaganda sa lahat ay ang mga proceeds nito ay mapupunta sa mga biktima ng bagyo.
Ilan sa mga artistang makikita n’yo rito ay sina Piolo Pascual, Sam Milby, Kristine Hermosa, Angelica Panganiban, Jake Cuenca, Kim Chiu, Gerald Anderson, Pokwang, Chokoleit, John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, at marami pang iba.
NAKU, HA! Operational na ang Shop and Share website nila Angel Locsin at Anne Curtis kung saan ilan sa mga items ng mga celebrity ay naka-auction para sa publiko. Ang proceeds at kikitain ng naturang online auction ay mapupunta sa Red Cross at mga biktima ng kalamidad. Si Angel Locsin ngayon ang kasalukuyang ambassadress ng Red Cross. Puntahan ang kanilang webiste www.shopandshare.ph at magshopping at tumulong na!