DAHIL GUWAPO, maganda ang katawan at katakam-takam namang talaga, hindi napigilan ng isang gay TV host na itanong sa papasikat na young actor kung, “Bading ka ba or bi?”
Ang sagot ng bagets, “No, I’m not. Hindi ko lang talaga priority ang girls ngayon, dahil concentrate muna ako sa career ko!”
Sa amin naman, hindi naman porke hindi mo priority ang girls, tunay ka nang barako? Juice ko, lalayo pa ba?
Eh, kami nga, me asawa, me apat na anak. Ano ba, barakong-barako na ba ‘ko, p’re?
IBA NA ang uso ngayon. Social media na. Dito, ‘pag kailangan mo ng super updated na balita, look ka lang sa Twitter or sa Facebook at hindi mo kailangang bumili na ng diyaryo, dahil isinulat ‘yon a day before. Eh, kung me nangyari ngayong mga sandaling ito, kakalat na agad sa Twitter, kaya kung bukas pa lalabas sa diyaryo, bilasa na ang balita.
Kaya nga ang mga kasama sa hanap-buhay ngayon ay bume-venture na rin sa online diyaryo. “‘Yun na kasi ang labanan ngayon, Papa O, eh!” sabi nga ng colleague na si Mildred Bacud.
Actually, wala nang lugar ang pagtataray ng mga reporter ngayon, dahil direkta na silang nasasagot ng mga fans at kukuyugin ka pa nila oras na hindi nila nagustuhan ang tsika mo tungkol sa idol nilang artista.
Juice ko, ba’t ko ba nasabi ‘yan? Eh, ako nga lang, ‘yan ang inaalmusal ko, lalo na’t me mga bobita bumblebee na fans na ang tanging pinagkakaabalahan sa buhay imbes na isubsob ang mukha sa pag-aaral ay kung paano niya kami “papatayin” sa lait.
Sanay na kami. Kasi, dati talaga, super hurt kami nu’ng i-trending pa ng mga fans ng isang artista na “mamatay” na raw ang nanay ko, dahil galit lang sila sa akin at hindi nga nila nagustuhan ang mga sinusulat ko tungkol sa idol nilang kalaunan ay ako rin pala ang tama.
Iba na ngayon ang piniling gender at nag-away pa sila ng nanay nila. Pero hindi nila man lang binabawi ‘yung mga pang-ookray nila sa akin. Muntik ko nang isara ang Twitter account ko, dahil nga sa sobrang pamba-bash sa akin ng mga fans.
Ngayon? ‘Di ba, sabi ko, pinanday na ako ng panahon? Meron pa ring mga “gagong” nag-o-open lang ng bagong Twitter account pero “itlog” lang ang profile pic nila para ma-bash kami. Ang ginagawa ko lang eh, simple.
Hindi kita kailangan sa buhay ko at kung hahayaan kitang sirain ang araw ko eh, iba-block na lang kita, dahil naniniwala ako na “blocked is beautiful”. Ba’t pa kita sasagutin eh, sarado nga ang utak mo or wala kang utak at all.
Kung hindi rin lang tayo magkakaintindihan mas mabuti pang i-unfollow mo na lang ako o ikaw ang iba-block ko. Gano’n lang ‘yon. Hanggang ngayon, me mangilan-ngilan pa ring bashers. Pero ayos lang. I cannot please everybody, so I better please myself.
SI SHARON Cuneta, napansin n’yo bang nagpainterbyu? Tingnan n’yo naman ang power ng social media, ‘no? Nag-post lang siya sa Facebook at sa Twitter account niya na inaatake siya ng depression at pinipilit niyang baguhin ang sarili dahil nagpalamon sa depression.
Tingnan n’yo ang mga naglabasan sa news. Puro dampot lahat sa post ni Sharon. Walang labis, walang kulang. Pero kung nagpainterbyu pa si Sharon, pipiliin lang ang “juicy quotes” para mas may anghang ang balita.
Kaya naman bawat post ni Sharon, nakaantabay ang mga taga-media at mga fans. Kasi, real time ‘yon. Minuto lang, kalat na ang balita. Puwera pa ang mga “marurunong” sa comments nila. Me mga nagpapalakas ng loob ni Sharon, meron din namang umeepal.
Walang ipinagkaiba sa laban ng Gilas at Argentina. Panalo na raw sana ang Gilas kung hindi dahil sa isang player ng Gilas na siyang nagpatalo. May mababasa ka pang tinuturuan pa si Coach Chot Reyes kung ano ang dapat ginawang taktika.
Meron pang nagko-comment sa FB at Twitter na ang “tanga-tanga” at “ang bobo-bobo” nu’ng isang player. O, ‘di ba, ang dudunong ng “commenters”? Alam pala nila ang technique, ba’t hindi sila ang naglaro sa Gilas?
Kaya iba-ibang klaseng tao talaga ang matatagpuan mo sa social media. Na mas dapat mo na lang intindihin kesa ikorek mo sila, kasi, at the end of the day, opinyon naman niya ‘yon eh, ‘di mag-opinyon ka rin ng sarili mo.
‘Wag naman tayong mag-conclude muna na, “Kaya hindi umuunlad ang Pilipinas, dahil sa mga taong bunganga lang ang ginagamit hindi ang puso at utak.”
After all, everybody is entitled to his own opinion.
Oh My G!
by Ogie Diaz