BALIK-VIVA FILMS si Megastar Sharon Cuneta para sa pelikulang Revirginized na ididirek ni Darryl Yap pagkatapos ng halos dalawang dekada. Nitong Linggo ng gabi (Feb. 28) ay humarap si Sharon sa ilang members ng entertainment press kasama ang direktor ng pelikula at si Rosanna Roces para sa virtual interview habang nasa Subic sila at naghahanda na para sa unang araw ng shooting.
Gagampanan ni Sharon ang karakter ni Carmela sa Revirginized na isang babaeng at the age of 16 ay nagkaroon na agad ng anak kaya hindi na-enjoy ang pagdadalaga. Siguradong magiging kontrobersyal na naman ang pelikulang ito ni Direk Darryl at ayon sa megastar handa naman siyang ma-bash kung saka-sakali.
Nang tanungin si Sharon kung ano ang reaksyon niya tungkol sa mga celebrities at ibang social media influeners na nagpapabayad para gamitin sa pagpapakalat ng fake news ay dito na naging seryoso si Sharon.
“Oh my God, ikinahihiya ko sila!” mariing reaksyon ng Megastar. “Kasi kunyari pag artista ka, nung kalakasan ko noong araw, may tatakbo kunyari na presidente, o-offer-an ka nang milyun-milyon para sila endorsohin mo.
“Never ako nagpabayad. Lagi akong… I’d rather go with this one kahit matalo kasi yung prinsipyo or whatever my beliefs were pumapantay,” deklara pa niya.
Ganito rin daw ang ginagawa niya sa mga product endorsements na tinatanggap niya.
“Parang sa endorsements, this is a well-known fact in the advertising industry. You can talk to anybody in any advertising company.
“Sa dami ng endorsement offers na tinanggihan ko over the decades, dahil ang feeling ko, babayaran nga ako pero yung produkto, parang palpak ‘to or yung serbisyong ‘to, hindi ko malunok.
“Kung pinatulan ko lahat ng endorsements na ‘yon, siguro doble na yung naipon ko sa ipon ko ngayon. It’s the same thing with me, ang feeling ko, kung sa fake news.
“Alam ko mahirap ang buhay, pero when does it stop? When does the moral high ground come in? Do you even have it? Do you even know it?
“Kasi di hamak na mas rerespetuhin ko ang isang totoong tao na tapat sa ginagawa kesa dun sa pasimple kang nagpapabayad para mag-spread ka ng peke. Ginagamit mo yung impluwensiya mo sa maling paraan para kumita,” tuluy-tuloy pang paliwanag ni Sharon.
Despicable din daw at unacceptable ang ganung klaseng gawain.
“Ikinahihiya ko na sabihing kasama ko sila sa industriya,” diin pa niya.