HINDI MAGANDANG BALITA ang sumalubong sa amin, Linggo ng umaga. Nagpadala sa amin ng text message ang Megastar na si Sharon Cuneta. Ang unang akala ko ay pawang holiday greetings lang ito, pero nang buksan na namin ang text message, nandu’n na nga ang hindi magandang balita na pumanaw na si Yaya Luring, Dec 19, 2009, sa edad na 83.
Ayon kay Sharon, halos buong buhay niya ay kasa-kasama na niya si Yaya Luring. Kahit sa mga tapings nito ay madalas namin itong makita na laging nakangiti at nakaputing-uniporme. 40 taon ding nagsilbi si Yaya Luring sa pamilya nina Sharon, kaya naman hindi na talaga iba ang turing nila rito. Cardiac arrest ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Nangyari raw ito habang nagsasagawa ng Christmas party sa kanilang bahay kasama ang mga kasambahay ng pamilya. Depressed at talaga namang malungkot ang papalapit na Paskong ito para kay Sharon kaya nu’ng premiere night ng Mano Po 6, hindi na nakarating pa si Sharon.
Naloka lang kami, kasi gabi ng Sabado, bago pa man namin natanggap ang hindi magandang balitang ito mula kay Sharon, ay napanood pa namin siya sa Master Showman: Walang Tulugan, kung saan ay nag-iiyak ito. Nagpakita kasi si Kuya Germs ng isang VTR ng birthday celebration ni Shawie sa isa sa mga shows noon, na sa aming hula ay sa GMA Supershow. Payat at bata pa si Sharon noon at sinurpresa siya ng kanyang mga kaibigan at kapamilya. Nasa naturang production number si Ciara Sotto at si Daboy na bestfriend ni Sharon. Iyak nang iyak si Sharon dahil sa mga ala-alang nagbalik sa kanya habang pinapanood ang VTR. Pero humagulgol na siya nang todo nang ipakita na si KC na noon ay batang-bata pa talaga. Kumakanta ito kasama si Ciara. Paliwanag ni Sharon sa kanyang pag-iyak, naaalala raw niya kasi si KC noong bata pa ito at ngayon nga ay talagang malaki at may sarili na ring pangalan sa industriya. Ang dating, parang naging premonition pa ‘ata para sa amin ang pag-iyak na iyon ni Sharon na may darating na hindi magandang balita, o nagkataon lang talaga.
Sa December 23 ang libing ni Yaya Luring at ngayon ay nakalagak ito sa San Antonio Church sa Forbes Park, Makati. Ang tanong, sisipot kaya si Sharon sa gaganaping parade sa December 24? Maiintindihan naman ng lahat kung saka-sakaling hindi makararating ang Megastar dahil sa matinding kalungkutan nito. Pero para sa mga movie producers kasi, ang gaganaping taunang parada ang huling bala nila para mag-promote ng kanilang pelikula. Wait and see na lang tayo at magkita-kita tayong lahat sa Parade of Stars sa Dec. 24 sa Roxas Boulevard. Balita namin ay magsisimula sa SM Mall of Asia ang parada at magtatapos sa Quirino Grandstand sa Luneta.
NAKU, ANG INYONG lingkod ang magiging host ng float ng I Love You, Goodbye, ang official entry ng Star Cinema. Makakasama namin sa float sina Angelica Panganiban, Kim Chiu at Derek Ramsay. ‘Di ko lang sure kung pati si Gabby ay makararating, dahil sa aming pagkakaalam ay pupunta ito ng States kung saan sila magpa-Pasko. O, siya, kita-kits tayo du’n!