SA RECENT posting ni Megastar Sharon Cuneta sa kanyang Facebook account that she is no longer with TV5, marami ang nagtaka. Pero isa kami sa mga natuwa.
Para sa amin, it was a wrong move and decision na rin sa career niya. Oo nga’t may mga shows siya na produced ng istasyon ni MVP pero waley sa standard ng creativity na dapat ay igawad sa husay ni Mega. Kumbaga, parang trabahong p’wede na. Trabahong p’wede na ipasa na hindi man lang pinag-isipan kung meron mang “creative” team ang naturang istasyon.
Ang tagal naman kasi bago natauhan si Mega. At last, natauhan na rin siya. Ang alam ko, may outstanding contract pa rin si Mega sa istasyon. Kung hindi ako nagkakamali, may two to three years pa ring natitira sa kontratang pinirmahan niya.
Noon pa man waley naman talaga akong bilib personally sa creative team ng istasyon ni MVP. Kung hindi lang marahil kaibigan ko ang mga artista na bida sa shows nila, ewan ko kung ano ang magiging opinion ko sa mga programa nila.
Kung hindi suntok sa buwan, hinalukay sa balon na ubos na ang tubig ang mga konsepto ng shows nila. Kaya nga kawawa ang mga artista na nag-decide na lumipat sa istasyon ni MVP.
Mula nang magpasiklab kasi ang istasyon, sampu-sampera ang mga artista na nagsipaglipatan at iniwanan ang kanilang mga mother studio na nag-aruga at nag-aaruga sa kanila.
At sa itinagal-tagal nila sa ere, ilang beses ba silang nagpalit ng mga programa na hindi nila makapa-kapa kung ano ang tamang timpla. Ang dami nilang discoveries pero nauuwi rin lang sa wala. I can’t even remember ang mga titulo ng local shows nila. Maging ang mga pangalan ng discoveries nila ay wala rin.
Natawa nga ang isang kaibigang writer na dahil hindi ko maalala ang pangalan ng babaeng may pakpak, tinawag ko na lang siya na ang “babaeng lawin” just to identify her sa kuwentuhan namin.
Marami silang shows na pinagbidahan ng mga baguhan na waley nangyari. Palakarin mo sila sa mall, malamang mapapatingin ka sa kanila dahil cuties at may itsura at porma, pero hindi mo kilalala na artista pala sa Singko.
Mabuti na lang naka-poste pa rin sina Edu Manzano, Gelli de Belen, Tintin Bersola; ang mag-asawang Robin Padilla at Mariel Rodriguez at Richard Gomez sa istasyon.
Pero balita ko, after ng shows ng mga nabanggit, magko-concentrate na lang sa foreign canned shows ang istasyon ni MVP at pangangatawanan na lang nila ang mga sporting events coverage kung saan nila nauungusan ang ibang istasyon tulad ng GMA 7 at ABS-CBN.
Sa pagdeklara ni Megastar na wala na siya sa TV 5, sino kaya ang susunod?
We want Sharon to return sa Kapamilya Network where she started. Sa Kapamilya, ito ang tunay niyang tahanan. Dito siya naaalagaan. Dito siya inaruga. Sa pagbabalik niya, we want a classy show for Sharon na tipong nakaupo lang siya sa stool with a grand piano na nag-a-accompany sa kanya at sa mga guests niya.
Reyted K
By RK VillaCorta