MAY kakambal talagang suwerte ang aktres na si Angel Locsin. Sa bago nitong sinalangang remake ng Koreanovela na Only You (with Sam Milby and Diether Ocampo), hindi binigo si Angel ng kanyang supporters dahil in fairness, mataas ang naging ratings nito na naghuhudyat lang na talagang inabangan ng mga tao ang muli niyang pagsalang sa telebisyon!
Magandang panoorin ang tatlong karakter na naghahanap ng tamang timpla ng pag-ibig at kaligayahan sa mga buhay nila. Sumabog ang kemistri ng tatlo-in the sense na they all look good together – whether it’s Angel and Sam or Angel and Diet.
Ang pinakabonggang supporters ng palabas ay nasa Mindanao region. Kung saan marami palang tagahanga ang tatlong bida! Isang linggo pa lang ang dumadaan pero ang bilis ng pacing ng istoryang swak na swak sa panlasa ng ating mga manonood.
Ngayong wala sa tabi niya ang love of her life na si Luis Manzano, subsob si Angel sa taping niya ng iba pang eksena nila for Only You. Nakilala na ng mga tao ang tunay na katauhan ng isang mapagmahal na anak sa kanyang pamilya na si Angel, kaya hindi na kataka-takang marunong na rin itong bumalanse sa pagma-maniobra sa kanyang propesyon. Kalidad ang tinitingnan nito at hindi ‘yung sangkaterbang sabay-sabay na kinakarir salangan. Dahil nauuyam din ang tao kung puro ‘yun at ‘yun na lang. ‘Di ba?
BUKOD NGA SIGURO sa paggawa ng pelikula, miss na miss na rin ng Megastar na si Sharon Cuneta ang umakyat ng entablado para tumanggap ng kanyang award.
Bago pa ito pumasok sa Studio 1 ng Dolphy Theater para sa presscon ng pelikula nila ni Ai Ai delas Alas na BFF (Bestfriends Forever) under Star Cinema, naihimaton niya sa isang kasama na parang diumano, hindi na siya naaalala o nakakaligtaan na ng mga kaibigan niya sa press na nagbibigay ng awards taun-taon. Oo naman daw at nano-nominate siya, pero bakit daw parang nakakalimutan na siya ng mga ito.
Nominado sa Golden Screen Awards ng ENPRESS si Ate Shawie sa Best Actress category para sa papel na ginampanan niya sa Caregiver. Pati na rin sa ibang award-giving bodies. At hindi naman maikakailang walang itulak-kabigin sa kanila ng mga kalaban niya sa nasabing kategorya. Depende sa criteria ng bawat award-giving body, roon na masusing malilimi kung sino ang siyang pinakamatindi sa mga top na napili.
Inulit pa ni Ate Shawie ang kanyang lambing sa presidential table ng nasabing press conference.
Ang masasabi ko lang, good luck sa pinaka-best among the best!
KUNG WALA KAYONG gagawin sa May 4 (Lunes), watch a Fil-Am artist by the name of Stephanie Reese at Teatrino (Promenade, Greenhills) sa kanyang first solo concert dubbed as I Am Stephanie Reese.
Unti-unti nang nakakagawa ng pangalan niya sa Amerika si Stephanie dahil tinagurian na siyang ‘standing ovation queen’ ng kanyang fans at industry insiders doon. Kasi nga, diverse ang repertoire na nagagawa ng dalaga – Broadway, opera, ballad, pop, kundiman, pati na hip-hop, at iba pa.
Nag-perform na ito sa sikat na Crustacean Restaurant sa Beverly Hills kasama nina Pati Labelle at Natalie Cole. At sikat na personalities ang bahagi ng audience nila, like Paris Hilton, Jamie Foxx, Michael Bolton, magic Johnson, Angela Bassett, at Quincy Jones. Kung pamilyar kayo sa “Nessun Dorma,” ito ang kinanta ni Stephanie na ikinamangha mismo ng diva na si Ms. Labelle at agad siyang tinawag na ‘the little girl with the big voice.’
The Pillar
by Pilar Mateo