IBINAHAGI ni Megastar Sharon Cuneta ang kanyang kalungkutan sa pagpanaw ng batikang composer at musical arranger na si Wilfredo Buencamino Cruz, mas kilala sa larangan ng musika at pelikula bilang Willy Cruz.
Ang batikang composer na si Willy ay pumanaw sa edad na 70 bandang ala-1:30 ng madaling-araw noong Lunes habang nakaratay sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City.
Sa Facebook account ni Sharon, ipinahayag niya ang kanyang pagdadalamhati sa pagkawala ng songwriter na nasa likod ng maraming kantang pinasikat niya tulad ng “Pangarap Na Bituin”, “Bituing Walang Ningning”, “Sana’y Wala Nang Wakas”, at “Hanggang Kailan Kita Mamahalin”.
Ito ang naging post niya patungkol sa isa sa mga paborito niyang composer at kaibigan: “My Willy Cruz… my Willy has left me… My dearest, I have no words… Only tears… and gratitude… and love… what kills me is you didn’t have to go this soon… I will love you forever…”
Dugtong pa niya, “Maraming salamat sa mga obra… higit sa lahat, sa tunay na pagkakaibigan at pagmamahalan… Rest in peace with Jesus, my friend… Til I see you again…”
Ilan sa mga celebrity at singer ang nakiramay sa pagyao ng composer tulad nina Lea Salonga, Ogie Alcasid, Manilyn Reynes, at marami pang iba.
Ngayon Sabado, nakatakdang i-cremate ang mga labi ng batikang composer.