KAHIT NA RAW may makatapat pa silang foreign act, kampante sina Aiza Seguerra, pati na ang mga kapwa niya ASAP Sessionistas na magkakaroon ng concert sa Araneta Coliseum sa February 5, 2011 na tatauhin pa rin sila, dahil meron na rin daw naman silang sariling market.
Isa rin si Aiza sa hindi sasang-ayon kung sakaling tuluyan nang kontrolin ang pagpasok ng foreign acts sa bansa. Dahil meron din naman daw tayong natututunan sa mga ito bukod sa hilig talaga nating mga Pinoy ang musika. Ang sasang-ayunan daw niya eh, ‘yung pag-control lang siguro sa dami ng sunud-sunod na acts na sila namang mga OPM artists ang wala nang mapaglalagyan. Mahirap din naman daw kasi na mawala ang mga ito dahil nagdadala rin naman ito ng revenues sa bansa at nakakatulong din sa turismo.
Kung bakit ini-enjoy naman ni Aiza ang panonood sa mga paborito niyang foreign acts na dumarating sa bansa eh, sa dahilang marami nga raw siyang natututunan dito. Ang isang kinagigiliwan niya kapag nanonood sa mga ito eh, ‘yun daw walang maraming arte at walang maraming bitbit na props. At parang hindi staged talaga ang ginagawa nila sa entablado. Hindi naka-kahon. Enjoy lang daw.
Naging successful na sila sa nauna nilang pagtatanghal ng ASAP Sessionistas sa Araneta noon. Ngayon kaya?
“Walang mauulit sa napanood na nila before. Mas marami silang mapapanood na siguradong magugustuhan nila sa grupo na iba-iba ang genre ng music.”
Kabilang sa ASAP Sessionistas 2011 sina Juris Fernandez, Princess Velasco, Nina, Sitti, Duncan Eamos at Richard Poon.
Samantala, pinabulaanan din ng grupo ang mga balitang marami sa kanila ang lilipat na ng istasyon. At marami nga sa kanila ang first time lang narinig na may ganoon daw palang balita. Hindi raw ‘yun totoo dahil may kontrata sila sa ASAP.
At kaya nga raw nabuo ang nasabing grupo eh, dahil sa bukod sa nag-e-enjoy na sila eh, lalo pang tumitibay ang bonding nila bilang magkakaibigan!
MATAPOS ANG PAGBAGSAK niya sa sahig ng entablado ng Araneta Coliseum sa kanyang birthday concert, sumailalim naman sa katakut-takot na tests ang Megastar na si Sharon Cuneta, kinailangan pa rin nitong magpahinga.
“After Araneta, my body gave na talaga. Been fighting with the flu. I don’t think my antibiotics are working. Cough really bad and won’t expectorate well. I was chilling. Missing you all na. I’m so sad.”
At very sad nga si Shawie dahil hindi siya nakapag-taping for Star Power at mami-miss na naman niya ang kanyang mga ‘dalaga’ sa programa.
Kahit na gustuhin niyang piliting tumayo para makasalang sa show, doctor’s advice talaga na total rest ang kailangan ng Megastar!
The Pillar
by Pilar Mateo