WINDOW SHOPPING, pagtambay sa mall, maitanong ko nga. Nagagawa mo pa ba ‘yan, lately? Hindi na uso ngayon ang ganyan sa mga bagets ngayon. Bakit mo pa gagawin ‘yan kung hindi mo na kinakailangang bumangon para makapag-shopping? Bakit ka pa tatambay sa mall kung puwede namang tumambay na lang sa bahay habang may access ka na rin sa mga nakikita sa mall? Bakit pa ako bibili sa mahal kung alam ko naman na makamumura ako sa iba? Bakit pa ako gagastos ng pamasahe sa mall, samahan mo pa ng pagkaing pang-meryenda kung puwede naman akong mag-online shopping?
Kaya ang daming nahuhumaling sa online shopping dahil nagsisilbi na nga itong alternatibo sa personal na pamimili sa mall o grocery. Hindi ko rin masabi kung patamad tayo nang patamad o sadyang hi-tech na talaga tayo ngayon. Basta ang makasisiguro ako, maraming perks sa online shopping kaya ito na ang bagong trend sa mga bagets ngayon.
Patok na patok ang electronic commerce o social commerce sa ngayon. Ito ay isang uri ng komersiyo na pinatatakbo ng electronic media, sa madaling salita, pamimili online. Uso ngayon ang mga group buying sites tulad ng Lazada, Ensogo, Cash Cash Pinoy, Metro Deal, Deal Grocer at Groupon at siyempre isama mo na sa listahan ang mga online shops sa Facebook at Instagram.
Plus points ng e-commerce? Una, Hindi nakapapagod. Hindi mo na kinakailangang libutin ang malls para lang mabili ang mga gusto mo, dahil puwedeng-puwede ka na lang mag-Internet at mag-log in sa mga social networking site para mamili sa mga online shop. Kung hindi mo gusto ang mga tinitinda sa isang online shop, e ‘di i-click mo ‘yung iba o kaya hanapin mo sa search engine ‘yung online shop na nagbibigay ng sakto sa taste mo. O, ‘di ba? Hindi ka na napagod kalalakad, kahit nakahiga ka pa, kahit saan ka pa, puwedeng-puwede ka nang mamili online.
Ikalawa, mas makatitipid. Kadalasan, ang mga binebenta sa online shops ay mas mababa ang presyo kumpara ng nasa malls dahil nga hindi na sila kailangang magbayad ng paupahan ng puwesto nila sa mall. Mas makatitipid ka rin dahil malaki ang diperensya ng presyo. Malaki ang patong ng mga nabibili na nasa malls. At minsan din naman, kung marami kang bibilhin sa online shop, puwede ka pang mabigyan ng discount ng may-ari. O kaya, ililibre na nila ang shipping fee.
Ikatlo, mas makaaaangat. Sa kadahilanan na may mga online shops na limited edition ang binebenta o kaya ‘yung wala pa sa ‘Pinas, mas makalkalamang ka sa iba. Makaririnig ka ng mga papuri tulad ng “Ganda naman niyan, walang ganyan dito, ah!” o kaya “Wow! Parang ikaw lang yata ang meron niyan!”
Kahit mas nagbibigay ng maraming perks ang online shopping, kailangan mo pa ring magdoble ingat at maging isang matalino at responsableng mamimili. Hindi ka puwedeng basta-basta magtiwala para hindi mapahamak ng mga scam sellers at hindi ka rin puwedeng umatras sa mga order mo para hindi ka mabansagang bogus buyer.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo