NAHIHIYA LANG PALA ang Channel 7 na tsugihin na ang programa ni Claudine Barretto, dahil pinangakuan nila ang aktres na lumipat lang sa kanila ay bibigyan ng mga magagandang proyekto. Pero ang kaso, unang project pa lang ni Claudine ay loss na sa ratings, kung saan ang programang Claudine ay laging talunan sa rating game.
Ayon sa aming source, posibleng mag-reformat ang nasabing programa ni Claudine dahil hindi raw click sa mga manonood. Bagay na ikinaiirita ng aktres kapag napag-uusapan ang mababang ratings ng kanyang programa.
Naniniwala kami kay Claudine na wala siyang idea kung mataas o mababa ang ratings ng kanyang programa dahil karamihan sa mga taong nasa paligid niya, kung hindi man takot ay nahihiyang magsabi sa kung ano talaga ang kalagayan ng kanyang show na base sa latest survey ay patuloy itong bumababa.
MAY DAHILAN NAMAN pala kung bakit tinapatan ng Pilyang Kerubin ang Agua Bendita ni Andi Eigenmann sa Channel 2, dahil una at higit sa lahat, may kakaiba palang karisma ang youngstars na si Barbie Forteza at Joshua Dionisio na talaga namang nakakikilig ang kanilang tambalan.
Hindi namin personal na kilala sina Barbie at Joshua, pero sa totoo lang ay bilib kami sa dalawang bagets na ito. Doon pa lang sa unang tambalan nilang First Time, may chemistry na ang dalawa, bagay na wala ang ibang loveteam na tulad nina Aljur Abrenica at Kris Bernal.
Sa totoo lang, natutuwa kami dahil at long last ay matatapos na rin ang The Last Prince, ang pantaseryeng nakababagot panoorin. Bukod sa walang kuwenta ang story, flat na flat din ang acting nina Aljur sa nasabing programa na siya ring dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay hinahanap-hanap pa rin namin ang pagbabalik ng Encantadia na unang pinagbidahan noon nina Sunshine Dizon,Iza Calzado, Karylle at Diana Zubiri.
MAY NAGBULONG SA amin na mas masaya at kuntento na ngayon sina Mariel Rodriguez at Pokwang na wala si Willie Revillame dahil noong mga panahong kasama pa ng aktres ang host ay lagi na lang silang napapagalitan at natatarayan sa ere na feeling umano ng host ay siya lang ang magaling at mahusay.
Isa sa mga “boss” ng Dos ang hindi namamalayang nakita itong nakikipag-usap sa isang sosyalistang guest noon sa anniversary ng Pascual Labaratories ang nagsabing kahit wala si Willie sa dati niyang show ay nagre-rate ito at sa katunayan, unti-unti na raw nasasanay ang mga manood na wala si Willie. “Actually marami ang nakakarating sa aming report na nitong huli ay mas nagugustuhan na ng mga tao na iba-iba ang nagho-host,” ani nito.
Sa kabilang banda, pinag-iisipan daw ng Dos kung pababalikin pa si Willie sa Wowowee after three months, dahil mas kumikita raw ngayon ang nasabing show kumpara noong si Willie pa ang nagho-host.
Karamihan kasi sa mga iniendorso nitong produkto ay sa sariling bulsa napupunta, at hindi iyon naipama-mahagi nang tama sa kum-panya.
More Luck
by Morly Alinio