NAGING MADAMDAMIN ANG grand finals ng Showtime, kung saan ay deserving talaga ang nanalo.Ibang klase ang ipinakitang husay ng mga contestant na halos lahat ay deserving talagang manalo.
Bilib kami sa hosting nina Vice Ganda, Vhong Navarro, Kim Atienza at lahat ng mga huradong naging burado. Sabi nga nina Vhong at Anne Curtis nang huli naming nakausap kung nagustuhan daw ng publiko ang unang season ng Showtime ay tiyak na magugustuhan din ang pangalawa, kaya sabay-sabay na lang nating abangan.
Samantala sinadya nang huwag imbitahin pa si Rosanna Roces sa grand finals ng Showtime (kung saan lahat ng mga hurado na naging burado ay dumating lahat para mag-judge). Sinabi ng aming source na ayaw na nilang maulit pa ang trauma na idinulot ni Osang. “Buti na lang at natuloy pa rin ang Showtime dahil kung hindi, wala sana tayong mapapanood na ganito kagandang show.”
KAHIT ANONG TAGO ang gawin nina Vic Sotto at Pia Guanio ay obvious na hiwalay na sila. Base sa nakarating sa aming balita, “pinapalamig” lang ni Pia ang isyu sa kanila ni Vic at pagkatapos ay tuluyan na itong mamaalam sa Eat… Bulaga! Magiging masyadong “malasado” raw ang dating kung ngayon na aalis ng nasabing programa ang TV host gayu’ng napakainit pa rin ng isyu sa kanila ng comedy actor.
Ayon sa nakarating sa aming balita, tila yata nawalan na ng pag-asa si Pia na pakasalan siya ni Vic kung kaya’t bago pa siya tuluyang maging lola ay kailangan na niyang “maghanap” ng ibang magmamahal at maghahatid sa kanya sa dambana.
HINDI SA TINATAWARAN namin ang kakayahan ng “papalit” sa posisyon ni Consoliza Laguardia sa MTRCB, pero sa totoo lang, kung track record lang din ng pag-uusapan, sa loob halos ng pitong taong panunungkulan ay naging mabuting chairwoman si Miss Laguardia.
Ang sabi kasi ay si Grace Poe na ang uupo sa MTRCB (si Grace ay anak ng yumaong si Fernando Poe, Jr.). Bagay na naging isang malaking tandang pananong sa aming isipan. Bakit kailangan pang palitan ang isang pinuno kung siya naman ay naging mabuti sa kanyang panunungkulan?
Tapatan. Sa kolum na ito ay hindi kami kailanman pumuri. Kami po ay naglalahad lang ng mga balitang nakakalap namin sa mga lugar na aming napupuntahan. Pero sa pagkakataong ito, nais po naming sabihin sa lahat na si Miss Laguardia ay naging mabuting MTRCB chairman na sa lahat ng naging chairman, bukod-tanging siya lang ang tumagal na hindi ganu’n katindi ang kontrobersiyang kinasangkutan.
Kung totoo man na this week na lang ang itatagal ni Miss Laguardia sa MTRCB, nais po naming iparating sa kanya ang labis naming pasasalamat dahil minsan isang panahon ay may isang tulad niyang naging chairwoman ng MTRCB.
More Luck
by Morly Alinio