Si Aling Pilita

NU’NG DEKADA ‘60, ang Clover Theater sa Sta. Cruz, Manila ang tinaguriang entertainment mecca ng bansa. Ang nasirang Don Jose Zara ang may-ari at top promoter ng theater. Dito nagsimula ang career ni Dolphy, German Moreno, Bobby Gonzales, Sylvia La Torre, Diomedes Maturan, Carmen Soriano at iba pang naging sikat na mang-aawit at artista.   Naalaala ko na depende sa kanyang natirang bonus, lagi akong pinagsasama ng aking nasirang ama para manood. ‘Di ko na matandaan ang bayad subalit alaala ko singko sentimos lang pamasahe sa dyip o bus noon. Pagkatapos ng three-hour show, magyayaya si Itay na kumain ng pritong lumpia sa isang restoran ng Intsik.

Isang gabi ng Marso una kong nakita at narinig si Aling Pilita, isang batang-batang mestima, may panuksong katawan, malamyang mata at masarap halikang labi. Noche de Ronda. ‘Yun ang hinagod na parang violin ng kanyang tila enkantadang tinig habang gumigiling ang kanyang katawan. Nakapanggigigil. Nakatitindig ng balahibo. Nakapagpapainit ng mga ugat sa katawan. Halos mamalik-mata ako. Ganu’n din ang aking ama.

Sino ang ‘di nakakikilala o nakaririnig kay Aling Pilita? Hanggang ngayon – pagkalipas ng halos na anim na dekada – bukambibig pa rin siya sa mga households ng bansa at Pinoys abroad. Si Pilita ay ageless diva at sa pananaw ng marami, dapat siyang parangalan bilang isang national artist.

Tunay na kaiba – parang galing sa pusod ang kanyang kaluluwa – ang tinig ni Aling Pilita. At habang lumilipas ang panahon, parang alak na lalong tumitindi ang aroma at sarap. Ngunit may iba pang bagay kung bakit dapat maging national artist for music si Aling Pilita.

Sa loob ng anim na dekada, nilarawan at ini-mortalize niya sa kanyang awitin ang dalisay, mapagmahal, mapagmalasakit at romantikong damdamin at kaluluwa ng Pilipino. Nag-iisa si Aling Pilita. Kapantay ay Langit, A Million Thanks to You, Usahay, at marami pang iba. Mga awiting idinambana niya sa ating mga puso at kaluluwa. Take a bow, Miss Pilita Corrales.

SAMUT-SAMOT

 

UMANI NG ‘di iilang reaksyon ang pitak ko tungkol sa pesteng stray cats. Malubhang suliranin din sa maraming subdivisions. Pagtulog ng pusa sa makina ng kotse ay lubos na nakapeperhuwisyo. Maraming kotseng biktima ng mga scratches at dumi ng animal. Ano’ng mabuting solusyon?

MAG-INGAT SA diabetes! Butihing payo ko sa mga kaibigang ang mga kaanak ay may lahing diabetes. Pinakamalupit na karamdaman sa dami ng kumplikasyon. Mahigit na 32 years na akong diabetic. 1980 nang madiskubre sa isang blood test. Namayat ako at laging ihi nang ihi. Sandali lang nagamot, pagkatapos, balik sa dating gawi. Mahigit 20 taon kong pinabayaan ang sakit. Ngayon naranasan ko na ang lupit ng aking pagpapabaya. Nakatutulong ang insulin subalit tingin ko, kalat na ang kumplikasyon sa iba’t ibang organs.

KONSUWELO KO ang maraming kilalang tao ang nag-aalaga ng sakit kagaya ni Elvis Presley, Nikita Kruschev, John F. Kennedy at Theodore Roosevelt. Ibig sabihin, walang sinasanto. Araw-araw, puro parusa ang sakit. ‘Pag ‘di lumalabo ang mata, sumasakit ang tiyan. ‘Pag ‘di natatakot, para naming binabayoneta ng rayuma ang binti. Hirap matulog. Gising na sa madaling-araw. Tuwing isang buwan ang check-up. Subalit hanggang doon na lang. Reseta: diet, medication at exercise. Kailan madidiskubre ang gamot sa sakit?

‘DI NAG-TAKE-OFF campaign slogan ng Department of Tourism, “It’s More Fun in the Philippines.” ‘Di na pinag-uusapan at binalewala ng tourism community. Overrated yata si Tourism Secretary Mon Jimenez. Matatapos na term ang ni P-Noy, wala pang nakalatag na short o long-term planning. Kumakain na tayo ng alikabok. May isang salbaheng nag-text sa akin na may bagong tourism slogan ang bansa: “It’s more FUN in the Philippines… more kidnaFUN, more carnaFun, more holdaFUN, Fun-durukut, FUN-daraya, kahira-FUN, FUN-lilinlang, FUN-darambong. Come & enjoy the FUN!

ISANG PANGARAP ‘di ko alam kung matutupad: magkaroon ng isang small farm sa ‘di kalayuan sa Maynila at doon igugol ang maraming oras sa pagtatanim ng sari-saring gulay at pag-aalaga ng ilang hayop. Bata pa ako’y mithiin ko na ito na namana ko sa isang nasira kong Lola Paong. Inggit ako sa mga kaibigang retirees na may mga small farms. Very therapeutic daw kaysa maglagi ka sa bahay, manood ng TV o makipaglaban sa pagkabagot.

PINAAABOT KO ang aking panalangin sa dagliang paggaling ni Sister Felicity ng Mt. Carmel Convent sa San Pablo City. Biktima ng stage 3 breast cancer. Napakabait at karangal-rangal na alagad ng Diyos. Sana’y maka-recover na rin sa heart attack ang aking high school classmate, Danilo Esguerra. Mga nilikhang malapit sa aking puso at dumaranas ng pagsubok.

IBA’T IBANG uri ang pagsubok ng tao. Kung walang tulong at grasya ng Diyos mahirap malampasan. Ang aking karanasan ay ‘di na rin hamak. Maraming luha. May ilang tagumpay. Ang aking matinding pagsubok ay ang aking diabetes. Tingin ko, araw-araw lumulubha. Minsan, gusto ko nang sumuko. Ngunit ang Diyos ay nasa likuran ko para sa kaila-ngan kong tulong.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePinoy Parazzi Vol 5 Issue 28 February 15 – 16, 2012 Out Now
Next articleMapurol at Kinakalawang na mga Kukote

No posts to display