(Editor’s Note: Unang lumabas sa Manila Standard TODAY noong Agosto 28, 2014, isinalin sa Filipino ng Pinoy Parazzi at muling inilathala nang may kaukulang permiso.)
HINDI AKO taga-Makati. Pero sa nakalipas na 25 taon, naka-base ang aking trabaho bilang isang abogado rito sa lungsod ng Makati. Para sa akin, sapat na ang karanasan ko sa mahabang panahon ng pamamalagi sa Makati para makapagpatunay, na gayong hindi siya maituturing na isang santo, na si Jejomar Binay pa rin, kung ikukumpara sa kahit kanino man sa administrasyong ito, ang natatanging pinuno na maaaring magdala sa bansa patungo sa isang tunay at makabuluhang pag-unlad at demokrasya.
Ang personal na paghanga ko kay Jojo ay nagmula sa pagkakilala ko sa kanya bilang paboritong estudyante ng aking ina sa Pasay City High School. Kahit kasi nakatira siya sa Makati, nag-aral siya ng high school sa Pasay. Hindi naubusan ng magagandang masasabi ang aking nanay tungkol kay Jojo Binay.
Sabi ng nanay ko, mahirap lang daw na estudyante si Jojo kaya hindi lang sa eskuwela niya inalagaan ang batang si Binay, kundi maging sa labas ng paaralan. Kinalinga si Jojo ng nanay ko at ng lola ko na isa ring public school teacher. Sabi nga ng nanay ko noon, nakatatandang kapatid ko raw si Jojo. Dahil nga ulila nang lubos, inangkin na ng nanay ko ang pag-aaruga kay Jojo Binay na sa tuwing may nakakamit na karangalan at papuri ang kanyang estudyante, tumataba rin ang puso niya na parang isang tunay na ina.
Pero higit pa sa kadahilanan na si Jojo ang pinakapaboritong estudyante ng nanay ko sa kanyang 55-taon bilang isang guro, mas hinangaan ko si Jojo sa kanyang ipinakitang katapangan at tatag ng paninindigan noong panahon ng diktaduryang Marcos.
Noon ay isang kilalang human rights lawyer si Jojo Binay, sa tinaguriang pinakamadilim na panahon ng ating kasaysayan sa ilalim ng diktador, na walang takot na nakipaglaban para maibalik ang demokrasya sa bayan. At ito rin ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala ni dating Pangulong Corazon Aquino ang Makati kay Jojo Binay at hinirang siyang Officer-In-Charge ng lungsod nang maibagsak ang diktaduryang rehimen. Dito rin unang nabigyan ng mandato si Jojo para pamunuan ang Makati, ang lungsod na tinaguriang sentro ng kalakal at komersyo sa bansa.
Pero ang tinawag na “Cory magic” noon ay lumamlam din. Tulad ng kanyang anak ngayon, sa simula ay paborito at mahal ng masa si Cory Aquino, pero nang matapos ang kanyang termino bilang Pangulo ay isa siya sa may pinaka may mababang batayan ng pagtanggap ng tao ayon sa mga survey at pagtala ng opinyon.
Ang katotohanan, kontrolado ni Jojo Binay ang Makati dahil siya, o ang kanyang kaanak ngayon, ay naging alkalde ng Makati o dahil din marahil, marami kasi siyang nagawang mabuti para sa lungsod.
Oo at bago pa man naging alkalde ang Binay sa Makati ay sentro na ito ng negosyo at kalakal. Pero sa panunungkulan lamang ni Jojo tunay na naramdaman ng mga taga-Makati ang benepisyo mula sa kayamanan ng lungsod na ito. At ang ginawa ni Jojo sa Makati, umaasa tayo, ay maaari niyang gawin para sa buong bansa sa loob ng anim na taon mula sa 2016.
Halimbawa, kapansin-pansin ang pagdami ng classrooms sa lungsod. Kapansin-pansin kung gaano na lumaki at umasensyo ngayon ang paaralang pang-kolehiyo ng Makati. Kapansin-pansin din na ang mga estudyante sa elementarya roon ay napakakain nang libre, isang serbisyo na hindi naibibigay maging ng nasyonal na pamahalaan.
Nariyan pa ang sumikat na nga na “yellow card” na nagbibigay ng kakayahan sa mahihirap ng Makati para makapagpagamot o humingi ng serbisyo mula sa mga pribadong ospital na dati ay para lamang sa mga mayayaman.
Ang pag-unlad ng Makati ay halatang ginaya ni Binay sa modelo ng Europa na hinihikayat ang pamumuhunan sa lungsod kung saan puwedeng patawan ng mataas na buwis ang mayayaman. Samantala, ginagamit ang pera mula sa buwis para sa serbisyo sa pamayanan.
At bago natin malimutan, ang Makati ang una sa lahat sa pagkakaloob ng mga simple pero kahanga-hangang espesyal na pribilehiyo para sa mga matatanda – mula sa simpleng tiket sa sine at regalong birthday cake sa kanilang kaarawaan – na ngayon nga ay pilit pinipintahan ng masama ng kanyang mga kalaban sa pulitika.
Kaya ko bang patunayan at panindigan na hindi nagpayaman sa puwesto si Binay sa loob ng mahabang panahon na kontrolado niya ang Makati?
Gaya ng marami sa atin, hindi ko kayang gawin ‘yan dahil sa simpleng rason na wala akong personal na kaalaman kung nangurakot man siya o hindi, o inabuso ba niya ang pera ng bayan. Oo at narinig ko ang mga ulat laban sa kanya, pero alam natin na wala sa mga paratang na ‘yan ang napatunayan na sa korte o sa kung saan pa man.
Mahirap paniwalaan kung paano niya naiwasan ang hatol ng hustisya noong alkade siya ng Makati habang napakaraming mga elitista ang nakapalibot sa kanya na handang patunayan, kung kaya lang nila, na may kasalanan si Jojo ng kahit isa lang na kaso ng korapsyon.
Tanggapin natin, ayaw ng mga elitista ng Makati sa Forbes at Dasma si Jojo Binay. Dahil kaya maitim sya? Pero sa kabila ng kanilang kayaman at kapangyarihan, hindi nila nagawang patunayan at idiiin ang ano mang kaso ng korapsyon laban kay Binay.
Ano ang masasabi ko sa sinasabing over-priced parking building sa City Hall?
Gusto ko lang sabihin, nagustuhan lahat ng mga abogado ang bagong gusali na ‘yun. Dati kasi, madilim ang mga pasilyo at mabaho ang mga kubeta roon. Ngayon, ay world-class na ang mga court room. Minsan ay may naging bisita ako na mga banyaga na nanood ng isang pagdinig sa korte ng isang kaso tungkol sa kalayaan sa pamamahayag. Isa sa mga dekalidad na abogado galing sa Amerika ay nagsabi na ang pakiramdam daw nila ay nasa isang korte sila sa Manhattan sa New York.
At oo, ang sinasabing over-priced building ay nagbigay sa aming mga abogado ng isang kailangan namin – murang parking.
Pero hayaan natin ang Ombudsman sa kanilang imbestigasyon kung totoo nga na over-priced ang nasabing gusali. Ito ang trabaho ng Ombudsman ayon mandato ng Saligang Batas.
Pero para sa mga senador na akuin ang trabaho ng Ombudsman para sa kanilang pansariling benepisyo para sa darating na halalan ay malinaw na pang-aabuso.
Susuportahan ko ba si Jojo Binay sa 2016? Huwag nating kalimutan, siya lang ang puwede para sa trabaho bilang Pangulo.
Mahalaga na isa siyang abogado at, hindi tulad ni PNoy, kaya niyang ipagtanggol at igiya ang kanyang sarili at kanyang mga adhikain sa pasikot-sikot ng ating batas. Mahaba ang kanyang karanasan bilang pinuno ng lokal na pamahalaan, isang kuwalipikasyon na kailangan mula sa isang pinuno para maiangat ang kalagayan ng mahihirap na Pilipino.
Malalim ang hugot ng idelohiya ni Jojo Binay na base sa isang European Democratic Socialist model. Na ang simpleng ibig sabihin, kung pagbabasehan natin ang kanyang mga ginawa sa Makati, kahanga-hangang sistema ng public education at pangangalagang medikal para sa mamamayan.
Kung susuwertehin, at mula na rin sa kanyang karanasan bilang Housing Czar, makapagbibigay rin siya ng pabahay sa mas nakararami, at ito ang mas puwedeng tunay na magpaaangat sa ating ekonomiya, hindi tulad ng DAP.
Ang karanasan niya bilang abogado, bilang isang tagapamahala, at dahil siya ay totoong mula sa kahirapan at alam niya ang totoong kailangan ng mahihirap, ang nagbibigay kay Jojo Binay ng walang kaduda-dudang karapatan at kakayahan para siyang tumao sa Malakanyang sa 2016!
___________________________________________
Ang may-akda, si Atty. Harry Roque Jr., ay Associate Professor sa UP College of Law at nagtuturo, kabilang ang iba pang subject, ng Public International Law, International Humanitarian Law at Constitutional Law. Siya rin ay Professor 2 sa Philippine Judicial Academy.
Mayroon siyang degree sa Bachelor of Arts in Economics and Political Science (University of Michigan, with honors), Bachelor of Laws (University of the Philippines College of Law) at Master of Laws (London School of Economics, with merit).
View From Malcolm
By Atty. Harry Roque