Si Boy Pick-Up ay si Boy Bukol din!

SA KANYANG privilege speech sa Senado kamakailan, binansagan ni Senator Bong Revilla Jr. ng alyas “Boy Pick-Up” si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.

Dahil sa ginawang pagsundo ni Roxas kay Revilla sa kanyang bahay at ipinagmaneho niya ito papuntang Malacañang para iharap kay Pangulong Noynoy noong kasagsagan ng impeachment trial ng noo’y Chief Justice Renato Corona, tinawag siyang “Boy Pick-up” ng senador.

Ngayon, may bagong bansag na namang ipinupukol kay Roxas, hindi na galing kay Revilla kundi galing naman sa kapulisan. Siya rin daw ay si “Boy Bukol”.

ISANG OPISYAL sa Office of Internal Security (OIS) ng DILG na kilala sa alyas na “Sulit” sa illegal gambling community ang itinuturong godfather umano ngayon ng lahat ng iligal na pasugalan sa buong Pilipinas.

Ayon sa isang mataas na opisyal ng PNP sa Camp Crame na ayaw magpabanggit ng pangalan, wala raw magawa si PNP Chief Alan Purisima kahit na nakapagbitaw pa ito ng mahigpit na tagubilin na “no take policy” sa illegal gambling para sa lahat ng kapulisan sapagkat si Sulit ay naka-detail naman sa DILG. At nasa ilalim ng pangangasiwa ng DILG ang PNP.

Ang ginamit umano na modus operandi ni Sulit para ma-penetrate niya ang illegal gambling ay nang magdeklara ng “no take policy” ang pamunuan ng PNP para sa mga pasugalan, sinuyod niya ang lahat ng presinto sa buong bansa na alam niyang may mga nagaganap na illegal gambling activity na sakop ng kanilang area of responsibility (AOR).

BITBIT UMANO ni Sulit sa kanyang pagpunta sa bawat presintong ito ang isang dokumento na pirmado umano ni Roxas at ipinaliliwanag ang stand ng DILG at PNP sa illegal gambling.

Ipinakita niya ang dokumentong ito sa mga precint commander at police operating units ng iba’t ibang siyudad at probinsya na alam niyang talamak ang lahat ng uri ng iligal na sugal. Sinabi rin niya sa mga ito na nagsasagawa lamang siya ng “inspection tour” ayon sa kautusan ni Roxas.

Kasama ni Sulit sa kanyang mga ginawang “inspection tour” ay isang alyas “Sander.” Pagkatapos makausap ng dalawa ang mga taga-presinto, nagpasama naman daw si Sander  sa mga ito para magsagawa ng “site inspection” sa mga lungga ng mga gambling operator.

Pinagsabihan daw nito ang mga nasabing gambling operator na ipinatitigil na ng DILG ang kanilang operasyon at nag-iwan ng mga contact number na puwede raw siyang tawagan at magsumbong sa kanya sakaling may mga pulis na matitigas pa rin daw ang ulo at mangongolekta pa rin ng pera sa kanila.

NAGSIHINTO NG isang linggo ang operation ng lahat ng pasugalan sa mga lugar na pinuntahan nina Sulit. Kasunod noon ay ang pagtawag na ng mga gambling operator kay Sander para makipag-“kasundo”. Sabay rin ang pagkatanggap ni Sander ng tawag mula sa mga pulis na siyang nakakasakop sa mga gambling lord na gustong makipag-“kasundo” – para “magpasintabi” naman.

Dito, ipinakilala naman ni Sander ang mga nais makipag-“kasundo” sa kanya sa isang alyas “Salustiano”. Si Salustiano ay isang dating pulis at bata-sarado umano ni Sulit.

Si Salustiano kasi ang siyang magbibigay ng final say sa magiging set-up ng “kasunduan”.

Nang masara na ang “kasunduan,” si alyas “Jake Duling” at “Boy Go” ang inutusan daw ni Salustiano para ipatupad ang napag-usapang “kasunduan”. Siyempre, ang galaw ni Duling at ni Go ay nasa ilalim ng superbisyon daw ni Sander.

HINDI NANINIWALA ang aking source na alam ni Roxas ang operasyon ng grupo ni Sulit, at ayaw rin niyang maniwala na nakikinabang si Roxas sa tiwaling gawain ng mga ito.

Pero ang tanong lamang ng source, bakit daw hindi nakararating kay Roxas ang kabulastugan ng kanyang mga security guard sa DILG? Ang OIS kasi – na kung saan napapabilang umano si Sulit – ay tanging pagbabantay sa mga tanggapan ng DILG at pagiging bodyguard kay Roxas ang dapat na responsibilidad lamang.

Sa madaling salita, bakit daw nakakalusot kay Roxas ang ginagawang kawalanghiyaan sa kanya ng kanyang mga sekyu?

PERO HINDI lang daw sa DILG ang may “Boy Bukol”. Sa PNP ay mayroon din daw, ayon pa sa source. Si Chief Superintendent Charlemagne Alejandrino, ang chief ng Intelligence Group (IG) ng PNP, puwede rin daw tawaging “Boy Bukol”.

Ang umiikot naman daw sa lahat ng iligal na pasugalan sa buong bansa para makipag-“kasundo” sa mga gambling lord gamit ang tanggapan ng IG ay isang alyas “Nori Noriega”.

SI CHIEF Superintendent Benjamin Magalong, ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ay bagay rin daw na tawaging “Boy Bukol”. Ayon pa rin sa nasabing source, ginagamit daw ng isang alyas “Lito Aguas” a.k.a. “Bibeth” ang pangalan ng CIDG para pumasok sa “kasunduan” sa lahat ng iligal na sugal.

MAGING SI National Capital Region Police Office Director Carmelo Valmoria ay tadtad din daw ng bukol.

Bagama’t naging matigas ang pronouncement ni Valmoria nang siya ay maupo sa puwesto hinggil sa “no take policy” na direktiba na nanggaling na rin mismo kay PNP Chief Director Alan Purisima, mayroon daw isang dating pulis ang umo-orbit sa buong NCR para makipag-“kasundo” sa mga operator ng illegal gambling dito.

Ang pangalan daw ng taong ito ay alyas “Baby Marcelo”. Pero ‘di tulad ng ibang mga nambubukol na tanging pasugalan lamang ang pinapatungan para sa mga “kasunduan”, maging ang mga prostitution den ay tinuhog na rin daw ni Marcelo.

PERO ANG pinakaastig at kilabot sa lahat ay itong gumagamit daw ng alyas na “Jun Bernardino”. Hindi tulad ng mga nabanggit na mga mambubukol na mga retirado na, si Bernardino ay kasalukuyang aktibo pa rin daw na pulis.

Ang ginagamit daw ni Bernardino na pangalan sa pagpasok niya sa mga “kasunduan” sa mga gambling lord ay ang tanggapan mismo ni Chief PNP. Kung susumahin daw ang mga inabot nang bukol ni Purisima mula kay Bernardino, magmimistulang landscape daw ng Chocolate Hills ng Bohol ang ulo ni Chief PNP, patawang sinabi pa ng source.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleJake Vargas, aminadong napag-iiwanan ng co-tweens
Next articleJanno Gibbs, itinangging hiwalay na sila ni Bing Loyzaga

No posts to display