Si Buddy ang Padrino ni Gardiola

ISANG LABIS na mapagkatitiwalaang source ang nakapagsabi sa akin – bilang reaksyon sa nakaraang artikulo sa espasyong ito na pinamagatang “Sino si Edwin Gardiola?” noong September 30, 2013 – na ang tax evasion case na isinampa ng BIR laban kay Edwin Gardiola noong 2012, ang tinaguriang Janet Napoles ng mga contractor, ay “naareglo”.

Matatandaan na si Gardiola ay naging mainit sa BIR matapos maungkat ng ahensyang ito ang kanyang lifestyle na hindi tumutugma sa kanyang binabayarang income tax sa BIR. Napag-alaman kasi ng bureau na sa kabila ng kaliwa’t kanang pagbili nito ng high-end luxury vehicles noong taong 2007 hanggang 2009 halos wala itong binayarang buwis dahilan para sampahan siya ng tax evasion case na nagkakahalaga ng P35.2 million.

Pero lingid daw sa kaalaman ng BIR, ang kabuuang halaga ng tagong-yaman ni Gardiola ay aabot umano sa P100 billion. Yes, tama ang nabasa n’yo – hindi typographical error –isang daang bilyong piso.

ISANG NEGOSYANTENG nagngangalang Buddy na kamag-anak ng isang pulitiko at partner ni Gardiola sa negosyo ngayon ang siyang gumapang umano sa BIR, ayon pa sa source. Si Buddy raw ang siyang aareglo rin sa iba pang mga haharaping problema ni Gardiola sa gobyerno.

Ang tanong, saan napunta ang mga bilyun-bilyong kayamanang ito ni Gardiola at bakit ‘di ito kayang ma-trace ng BIR?

Tulad ng sa pelikulang The Godfather Part 3 na ang mga kayamanan ng Corleone empire na nanggaling sa iligal ay ipinuhunan sa mga malalaking kilalang lehitimong negosyo para ito ay maging malinis na pera, sa kaso naman ni Gardiola, ipinasa niya umano ang kanyang mga bilyones para pandagdag puhunan sa mga negosyo ni Buddy. Si Buddy ay may sariling business empire.

Ito ang dahilan kung bakit gagawin ni Buddy ang lahat tulad ng pagsasangga kay Gardiola para huwag lang madamay ang kanyang lehitimong business empire. Dahil kung hindi, kapag nagkaroon ng full blown investigation, kasama siya sa makakasuhan at mapeperhuwisyo.

Kaya sa simula pa lang, nang pumutok ang problema tungkol kay Gardiola sa BIR, agad kumilos ang grupo ni Buddy. Bukod sa BIR, nakipag-usap na rin daw ang mga ito sa isang mapagkatitiwalaan nilang kaibigan sa loob ng Department of Justice.

Isang kawani sa National Bureau of Investigation na may sensitibong posisyon ay kasama na rin sa mga “nakapa” na ng grupo ni Buddy, ayon pa rin sa source.

Kung ikukumpara kay Napoles, malayong mas malawak ang koneksyon ngayon ni Gardiola sa gobyerno. Hindi tulad daw ni Napoles na hanggang lehislatura lamang ang kanyang mga koneksyon, si Gardiola raw – dahil sa kanyang partner na si Buddy – ay may mga sanggang-dikit sa mga bigwig sa ehekutibo, hudikatura pati na sa lehislatura.

ITO RIN ang dahilan kung bakit marami umano sa mga negosyanteng sub-contractor sa Batangas na minsan nang naging partner ni Gardiola sa mga kontrata ay walang magawa at ipinasasa-Diyos na lamang ang kanilang mga sama ng loob dito.

Marami kasi sa kanila, hindi nababayaran pa rin hanggang ngayon sa mga naibigay nilang serbisyo umano kay Gardiola. Isa na rito ay ang matalik niyang kaibigan na nagmamay-ari umano ng kilalang gas station sa Lipa City – na isa ring contractor.

Pati ang isang alkalde sa Batangas City – na nagpa-part time bilang isang sub-contractor, ay isa rin sa mga may sama ng loob umano kay Gardiola, dagdag pa ng source.

Pero ano ang magagawa nilang lahat? Hanggang sama ng loob na lamang sila dahil matindi ang koneksyon ni Gardiola. Wais kasi si Gardiola. Dahil sa ginawa niyang partner si Buddy, parang hawak na rin ngayon niya sa leeg ang buong gobyerno.

Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Napanonood din ang inyong lingkod sa T3 sa TV5 , Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At sa Aksyon Weekend news sa TV5 tuwing Sabado, 5:30-6:00 pm.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleKahit nanalong Best Actor: Joel Torre, hindi inisip na siya ang bida sa OTJ
Next articleAyaw raw maging no. 2 lang
Dawn Jimenez, wala raw dahilan para pagselosan ni Maja Salvador

No posts to display