BAWAL ang personal questions ng press sa virtual mediacon ng pelikulang Nerisa ng Viva Films kaya walang nakuhang reaksyon ang PUSH at ang ibang press mula kay Aljur Abrenica tungkol sa mga isiniwalat ni Robin Padilla sa interview ni Ogie Diaz para sa kanyang Youtube Channel.
Si Aljur ang leading man ni Cindy Miranda sa Nerisa na ang script ay sinulat ni Ricky Lee at idinirek naman ni Law Fajardo.
Hindi tuloy naipagtanggol ng aktor ang sarili sa balitang may iba itong babae at third party ang dahilan sa hiniwalayan nila ni Kylie Padilla.
Umugong ang balitang hiwalay na sina Aljur at Kylie nang magsimula ang mga cryptic posts nito sa kanyang Instagram account noong January 2021.
Sa storycon ng Nerisa noong Mayo ay matipid naman ang reaksyon ni Aljur sa tanong tungkol sa totoong estado ng relasyon nila ng asawa.
“Ang masasabi ko, lahat tayo may pinagdadaanan. Nagkaproblema kaming dalawa at mina-manage namin ito when it comes to posting sa mga tao. Pero to set the record straight, sinasabi ko nga, we’re good, we’re talking and we’re doing everything when it comes to… what’s best sa aming dalawa at sa mga bata,” wika niya noon.
Hindi naman maiwasang madawit ang pangalan ng leading lady ni Aljur sa Viva movie na si Cindy Miranda sa isyu ng hiwalayan ng strange couple. Kaya lang, mukhang malabo itong mangyari.
Late na nang nagkakilala sina Aljur at ang dating beauty queen. First encounter ng dalawa ay nung virtual storycon ng kanilang pelikula. Bago pa man ito nangyari ay maingay na ang balitang hiwalay na sina Aljur at Kylie.
Anyway, ayon kay Aljur, ang Nerisa na streaming sa iWantTFC, ktx.ph,TFC IPTV at Vivamax on July 30 ang pinaka-daring na pelikulang ginawa niya. Huling napanood si Aljur sa Express Way limang taon na ang nakakaraan.
“Oo, medyo daring ako dito. Na-miss ko ang paggawa ng pelikula. Hinahanap-hanap ko siya kasi naging busy ako sa teleserye,” sambit niya.
May love scenes sina Aljur at Cindy sa Nerisa na ayon sa kuwento ng aktor ay medyo nahirapan siyang gawin.
“Parehas kaming nahirapan sa love scene pero I make sure na she’s safe. Nakita ko kasi na she is doing her best para magawa yung eksena. Bilang isang babae hindi naman ito ano, eh… sa akin kasi okey lang dahil lalaki ako.
“Sa babae kasi medyo mararamdaman mo kung paano yung hirap pero what’s good about it ay nagawa namin yung eksena sa gusto naming kalabasan,” huling pahayag ni Aljur.