NOONG NAKARAANG LINGGO, nagpahayag si Pangulong Noynoy Aquino laban sa mga mamamahayag na diumano ay naglalabas ng mga walang basehang balita.
Ayon pa kay P-Noy, ang intensyon ng mga “hearsay” na ito na inilalabas ng media ay upang manira lamang.
Ang masakit, parekoy, isang araw lang mula nang ipahayag ito ni P-Noy, kaagad nag-boomerang sa kanila ang nasabing paglalabas ng balita na walang basehan!
Bakit kan’yo? Aba eh, mismong si Department of Justice Secretary Leila de Lima ang nagpahayag sa media na siya ay may impormasyong natanggap na nag-apply na ang pamilyang Arroyo ng “political asylum” sa Dominican Republic.
Ang siste, lumabas na “tsinubibo” lang pala si De Lima, dahil ang kanyang natanggap na impormasyon ay mula lang pala sa isang text message!
Asus, ‘yan ang perpektong halimbawa ng sinasabi ni P-Noy na walang basehan!
Ang masakit, parekoy, hindi lamang sina Arroyo at mga Pilipino ang apektado sa “tsismis” na pinakawalan ni De Lima.
Kundi maging ang imahen ng ‘Pinas sa bansang Dominican Republic ay biglang nawasak!
Dahil kaagad nagpalabas ng opisyal na pahayag ang Dominican Republic na pinasinungalingan ang tsismis ni De Lima.
Isipin na lamang, parekoy, na ang pinanggalingan ng nasabing tsismis ay mismong ang kalihim ng Hustisya!
Na dapat sana ang bawat pahayag ay may legal at factual na basehan bago isiwalat sa media.
Hak, hak, hak, nabansagan tuloy siya ng mga taga-media na si Sec. Daldalima!
Ano ba ‘yan, madam?
Dahil lang sa isang text message na natanggap mo ay kinalikot natin pati ang nananahimik na Dominican Republic.
Naalala mo po ‘yung “the boy who cried wolf”?
He, he, he! Ang masakit, kung isang araw ay hindi na patulan ng ibang bansa ang iyong mga susunod pa na tsismis, este salita.
Pero sa totoo lang, parekoy, naniniwala ako kay P-Noy.
Na ‘yang mga nagpapahayag ng walang basehan ay puro paninira lamang ang nasa utak!
Na ‘yang mga nagpapahayag ng walang basehan ay pangit at hindi nakatutulong sa ating bansa!
Na ‘yang mga nagpapahayag ng mga walang basehan ay hindi dapat patulan o paniwalaan!
Na ‘yang mga nagpapahayag ng walang basehan ang siyang sumisira sa imahen ng bansang ‘Pinas!
Na ‘yang mga nagpapahayag ng walang basehan ay silang mga pahamak sa administrasyon &*^%$#@!
S’yanga pala, mahal na Pangulong Noynoy, sino nga ba ang pinanggagali-ngan ng mga walang basehan na balita?
Paki-tukuyin mo po at kaagad na sipain!!! Hak, hak, hak!!!
DISKUNTENTO ANG ISANG grupo ng Muslim sa mga pinaiiral na patakaran dito sa ating bansa. Kaya nga itinatag nila ang Moro Islamic Liberation Front o MILF. Nagbitbit sila ng armas at lumaban sa pamahalaan para kundenahin ang gobyerno.
Maging ang isang militanteng grupo na diskuntento sa mga patakaran ng pamahalaan ay nagtatag rin ng Alex Buncayao Brigade o ABB. Nagbitbit sila ng armas at lumaban sa pamahalaan para kundenahin ang gobyerno.
Ang ilang bus operator at mga driver na hindi nasiyahan noong isang taon sa mga pinaiiral na patakaran sa ating transportasyon ay umangal din. Pero imbes na magbitbit ng baril at lumaban sa gobyerno ay mas pinili nila ang demokratikong pamamaraan ng pagpapahayag ng hinaing. Sila ay nagsagawa ng “peaceful strike”.
Ang tatlong grupong nabanggit ay binigyan ng gobyerno ng kaukulang aksyon.
Ang MILF at ABB ay binigyan ng milyones na pera. Pero ang mga bus driver at operators ay binigyan ng suspension!
Ibig sabihin, ang MILF at ABB na mga nagbitbit ng armas at lantarang lumaban sa gobyerno ay binusog. Pero ang mga driver at bus operators na pinili ang demokratikong kaparaanan ay ginutom!
Nakikita na ba ninyo, parekoy, ang matuwid na landas?
Ayoko naaaa! Pesteng buhay na ito! P’we!!!
Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303