Si Hamayni, si Pink Arriola, at si Tom Babauta

MARAMI ANG natuwa nang pirmahan ng Pangulo ang Republic Act No. 10172 na nagpalawak pa sa sakop ng Clerical Error Law. Ito ang batas sa pagtatama at pagpapalit ng mga detalye na nakalagay sa ating mga birth certificate. Sa ngayon, maaari nang itama ang detalye ukol sa pangalan, palayaw, araw ng kapanangakan, at kasarian ng isang tao na nakalagay sa kanyang birth certificate, nang hindi na dumaraan sa korte. Kinakailangan lamang na ang pagkakamali ay naging dulot lang ng maling pagsulat o ispeling. Maaari ring palitan ang unang pangalan o palayaw ng isang tao kung ito ay pinagmumulan ng kahihiyan, mahirap bigkasin o isulat, o nagdudulot pagkalito.

Bago ang nasabing batas, malaking gastos at mahabang panahon ang kinakailangan dahil dumaraan pa sa korte ang mga prosesong ito. Maliban sa filing fees sa korte, malaking halaga rin ang gugugulin sa pagbabayad sa serbisyo ng isang abogado. Sa ngayon, bukod sa hindi na kailangan ng isang abogado, ang babayaran na lamang ng isang aplikante ay ang filing fees na nagkakahalaga ng Tatlong Libong Piso. Maaari pa itong malibre kung makapagbibigay ang aplikante ng katibayan mula sa City Social Welfare na isa siyang maralita. Kung ang detalye naman sa kasarian ang itatama, kailangan ding magpakita ng katibayan mula sa isang doktor ng gobyerno na hindi sumailalim ang aplikante sa isang “sex change”.

Malaking tulong man ang bagong batas, tunay na masalimuot pa rin ang mga pagtatama ng mga detalye sa birth certificate, lalo na sa pangalan ng isang tao. Sa konting pagkakamali sa pagsulat, ispeling, o pagbibigay ng impormasyon, maaring itong magdulot ng pangmatagalang perhuwisyo sa bata at sa kanyang mga magulang. Halimbawa ang mga sumusunod:

Katunog: Sapagkat nagandahan sa pelikulang Harry Potter at lubos na humanga sa bidang babae, pinangalanan ng mga magulang ang kanilang anak ng “Hamayni”. Ito raw ang naririnig nila na pangalan ng bida nu’ng pinanonood nila ang pelikula. Huli na nang malaman nila na ang tamang ispeling ng bida sa pelikula ay “Hermione”. Kung kinumpirma lang sana sa libro o sa internet ang tamang ispeling ng pangalan bago ito inilagay sa birth certificate, maaari sanang naiwasan ang problema. Wala itong pinakaiba du’n sa nagpangalan sa kanyang anak ng “Daomintse” dahil tagahanga siya ng Meteor Garden.

Walang apelyido: May mga kababayan naman tayo na hindi muna kinukunsidera ang apelyido nila habang nag-iisip ng pangalan para sa kanilang anak. Magugulat na lamang sila na iba na pala ang epekto kapag magkasunod na binigkas ang pangalan at ang apelyido. Halimbawa ay sila Mr. and Mrs. Arriola na “Pink” ang ibinigay na pangalan sa kanilang anak. Nandyan din ang mga pangalan na Fernando Peng, Jr., Cyndi Lope, at Justin Vivero. Maaaring nakatutuwa habang sila ay bata pa, pero may posibilidad na maging ugat ng panunukso kapag sila ay nag-aaral na.

Uso kasi: Ang iba naman sa atin, ang pakiramdam ay habambuhay na bata ang ating mga anak kaya binibigyan natin sila ng mga uso at pambatang pangalan kagaya ng “Cinderella” at “Snow White”. Meron din naman na ang buong akala ay cute ang letrang “H” sa mga pangalan kaya pilit itong isinisingit, kagaya ng sa “Jhoanaghirl” at “Bhoy”. Ang problema, minsan hindi na bagay ang mga pangalan na ito pagtanda nila. Hindi yata bagay tawagin sila na Aling Cinderella o Manang Jhoanaghirl. P’wede pa ‘yung Kuya Bhoy. Kaya kapag pinangalangan natin ang anak natin ng “Lhord Vholdemhort”, makakaasa tayo na isusumpa nila tayo pagtanda nila at hindi na tayo makatatawa ulit ng jejeje.

Bumalik tuloy sa alaala ang kakilalang si “Tom Babauta Gonzalez”. Ang pangalan niya ay hango sa artistang galing Hawaii na si Tom Babauta na naging kapartner pa ni Snooky Serna sa pelikulang Strangers in Paradise. Marami ang humikayat sa kanya na pumunta sa korte at magpalit na ng pangalan. Paglabas ng desisyon ng korte, tuwang-tuwa siya na nagkuwento sa mga kaibigan at sinabi nya, “Napalitan ko na! Hindi na Tom Babauta ang pangalan ko. John na. John Babauta!”

Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 6 Issue 116 September 16 – 17, 2013
Next articleClaudine Barretto, new look para mabawasan ang nega sa buhay

No posts to display