Maraming taon na rin mula nang huling marinig ang jingle na ito ng Eat… Bulaga!, ngunit kung bakit nakabaon pa rin ito sa ating kamalayan ay dahil magpahanggang ngayon, buhay pa rin ang kahulugan ng bawat linya nito.
Tatlong dekada o katumbas ng tatlumpung taon na nating kasama sa pananghalian ang Eat Bulaga!. Kung paanong naging angkop ang pangalan ng programa ay resulta ng mayamang imahinasyon ng isa sa mga haligi nito, si Joey de Leon.
“Pinag-isip kasi nila ako kung ano’ng itatawag namin sa bubuksan naming lunchtime program. Naisip ko, since tanghali ‘yon, ikinabit ko ‘yong salitang ‘eat,’ tapos, dinugtungan ko na lang ng ‘bulaga,’” paunang kuwento ni Tito Joey.
Commissioned to do an article on EB, ang mababasa n’yo ay ang mga kuwentuhan namin ni Tito Joey during “yosi breaks” in Startalk every Saturday, providing interesting glimpses of the country’s longest-running variety program on television.
“Thirty years na pala kami,” pagre-realize ni JDL sa programang mahigpit na niyakap ng mga manonood, na kung saan-saang channel napadpad until it has found its rightful home, ang GMA-7.
“At sa tagal ng panahong ‘yon, limang president na ng Pilipinas ang naabutan ng Eat… Bulaga!,” pagbabalik-tanaw ng TV host-comedian, himself a keeper of souvenir photos taken with Ferdinand Marcos, Cory Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada and Gloria Arroyo. “Baka abutan pa namin ang susunod na president,” dagdag pa niya.
Thirty years and still counting: Ganito kung ilarawan ni JDL ang kasalukuyang estado ng EB, na hindi raw sa pagbubuhat ng bangko ay hindi natitinag sa kinalulugaran nitong puwesto. “Biruin mo, ang tagal na namin, and yet nandito pa kami. Nagkaapo na kami’t lahat nina Tito at Vic, nandito pa rin ang Eat… Bulaga!. Imadyinin mo, mga lolo na ang hosts?”
Pero wala raw pinipiling edad ang pagbibigay-saya sa kanilang mga manonood. “Ang mahalaga naman kasi, ‘yung sincere ka sa pag-e-entertain. Masarap ‘yung feeling namin ‘pag napapasaya ang aming audience, ‘yun ang aming collective sense of fulfillment, lalo ngayon, ‘di ba, mahirap ang buhay?”
Naniniwala si JDL that providing no-nonsense entertainment is a moral responsibility. Without throwing brickbats at its rival noontime program. “Tayo naman kasing mga Pinoy, basically, masayahin. Pero ang pagpapatawa kasi, dapat may puso rin, hindi mo iniinsulto ang tao, iginagalang mo anupaman ang antas niya sa lipunan.”
Isa rin daw sa sikreto ng patuloy na pamamayagpag ng EB ay ang samahan ng mga miyembro nito, salamat sa binhi ng kulturang itinanim ng ama ng lahat, si Ginoong Tony Tuviera ng TAPE, Inc. “Ganu’n katindi mag-alaga si Mr. Tuviera, ganu’n siya kung magbigay ng pagpapahalaga ultimo sa bawat tauhan ng production.”
Sana’y lapatan ng bagong lyrics ang jingle dahil nakakaabot na rin sa pamamagitan ng GMA Pinoy TV ang Eat… Bulaga! sa iba’t ibang panig ng mundo. Kung halaga ng papremyong cash din ang pag-uusapan, hindi na isang libo kundi daang libong piso o isang milyon pa ang naghihintay sa ating mga kababayan.
At tila bibilang pa ng ilang pinuno ang ating bansa na maabutan ng Eat Bulaga, nawa’y adhikain ng ganap na pagkakaisa ay magkaroon na ng katuparan.
Sa pananghalian at maging sa iba pang oras ng kainan.
By Ronnie Carrasco III