MARAMI NANG kinaharap na kontrobersya ang TV host na si Willie Revillame mula nang pasukin ang hosting sa telebisyon. Nagsimula sa una niyang pinanggalingang istasyon, ang ABS-CBN, hanggang sa paglipat niya sa TV5, hindi pa rin tinatantanan ng intriga si Willie.
Napag-usapan nang husto sa bawat sulok ng showbizlandia ang pagkakasampa ng kasong child abuse laban sa TV Host at sa ilang matataas na opisyal ng TV5 ng ilang mga rights advocates kaugnay sa insidente noong nakaraang Marso 12, kung saan pinasayaw na tila-macho dancer ang anim na taong gulang na si Jan-Jan Suan habang ito ay umiiyak sa isang episode ng programang Willing Willie kapalit ang P10,000.
Kabilang sa nagsampa ng nasabing kaso ay ang mga opisyales ng End Child Prostitution, Child Pornography and Trafficking of Children for Sexual Purposes (ECPAT), running priest na si Fr. Robert Reyes, Department of Social Welfare (DSWD) Secretary Corazon “Dinky” Soliman at Assistant Secretary for Luzon Parisya Taradji, officer in charge-executive director ng Council for the Welfare of Children.
Hindi naman isinama nina Soliman at Taradji sa isinampang kaso ang Chairman ng TV5 na si Manny V. Pangilinan at iba pang executives ng nasabing network.
Ayon kay Soliman at sa kasamahan ni Reyes na sina Froilan Grates, Frances Irene Bretana, Noemi Lardizabal at Cayetano Sebastian, si Revillame lamang ang kanilang kinasuhan dahil, ayon sa kanilang abogado, ang krimen ay single-act abuse lamang.
Iginiit ni Soliman, ang kaso ay walang bahid ng pulitika at hindi nila tinitira si Revillame dahil ang DSWD ang lead agency na pumoprotekta sa karapatan ng mga kabataan.
Matatandaan ding nagpahayag noon ng sampung minutong tirada si Revillame sa Willing Willie laban sa kanyang mga kritiko. Bagama’t mahinahon ang boses, bakas sa kanyang mga salita ang matinding emosyon matapos malagay sa kontrobersya ang kanyang programa.
Pinatamaan ni Willie ang mga ahensiya ng pamahalaan at mga artista na bumabatikos sa kanya. Nagbigay rin siya ng mensahe na tila nagbibigay ng babala sa mga advertiser na balak i-boycott ang kanyang programa.
Pinili naman ng Movie and Television Classification Board (MTRCB), sa pamumuno ng chairperson nitong si Mary Grace Poe-Llamanzares, na mag-imbestiga muna bago magbigay ng sariling konklusyon.
May ilan namang mga artista at celebrity na nagbigay ng kanilang reaksyon, kasama na sina Lea Salonga, Jim Paredes, Kat de Castro, Bianca Gonzalez, at Monique Wilson sa pagkokondena ng Willing Willie dahil sa “child abuse”. Ayon pa sa ilan, hindi dapat palampasin ang paggamit umano ni Willie sa mga mahihirap para sa kanyang sariling kapakanan.
Sa kasalukuyan, wala pang kinahantungan ang kasong isinampa sa TV host. Sa madaling salita, wala pang resulta kaya biglang nanahimik ang isyu. Tuluy-tuloy pa rin ang pagbibi-gay ni Willie ng pag-asa sa mga mamamayan sa pamamagitan ng Wil Time Bigtime (ipinalit sa Willing Willie) na kamakailan ay nagdiwang ng engrandeng 1st anniversary.
By MK Caguingin
Parazzi Chikka
Parazzi News Service