MARAMI ANG naiintriga sa sobrang closeness nina Sid Lucero at Alessandra de Rossi. Parang higit sa pagiging magkaibigan ang samahan nila.
“We’ve always been close!” natawang paglilinaw ni Sid nang matanong namin. “Wala namang intriga! Hahaha! We’re really good friends. Kung hindi ako, si Gabby (Eigenmann) ang kasama niya. At saka alam naman ng lahat na may anak na ako sa partner ko. Kaya hindi puwedeng lagyan ng ibang kulay ang closeness namin ni alessndra.”
Nakatrabaho ni Sid si Alessandra dati sa primetime series na Legacy. At mula noon ay naging magkaibigan na raw sila.
Kamakailan ay nanalo ng Gold Camera Award sa Social Issues category ng US Film And Video Awards ang Wagas na napapanood sa GMA News TV 11. Ang episode na Walang Imposible: Mary Grace and Ron Sapinoso Lovestory na tinampukan nina Sid Lucero at Gwen Zamora ang ipinadalang entry ng nasabing drama anthology. Kuwento ito ng isang lalaking may cerebral palsy na nakatagpo ng babaeng tunay na magmamahal sa kanya.
“Kung nananalo man ang entries natin sa mga ganyan, hindi na siya nakakagulat!” natutuwang sabi ni Sid.
“Because eversince na nagkaroon ng independent films, ‘yong quality ng mga lumalabas natin is actually… if not at par, almost at par. Lalo na sa movies with the rest of the world. And ilang beses na. It started with Angel Locsin. She was the first Filipina actress who was nominated for best actress in a TV show in the Emmy Awards. So do’n pa lang, naniniwala na ako na nakaka-penetrated ang television natin.”
Sa Asian TV Awards ay nakakuha rin ang Wagas ng nominasyon. At maging si Sid ay naging nominated din for best actor.
Kapag may mga ganitong recognition ba siyang nakukuha na nag-aangat sa kanyang kakayahan bilang aktor, nadaragdagan ba ang pressure dahil tumataas ang expectation from him?
“For me, no. Para sa akin, madadagdagan is ‘yong bilib ng mga network sa puwede nilang gawin. Because honestly, Wagas… maliit ang budget niya. Sobra. But for someone… kung tama ang timpla ng director, ng mga tao, or kung sinuman, nakakagawa tayo ng gano’n, ‘di ba?
“And I think it’s more of a wake up call not to me or not to us artists, e. Para sa akin, ang mas importante kasi is the fact na magising ‘yong mga network na… hey, puwede nating gawin ‘to! Na we don’t have to spend so much on one show para lang mapasaya ang Pilipino. Because we can like… balance it and cater to the world.
“Iyon ang para sa akin. At mas happy pa ako ro’n na meron tayong low-budget TV show that made it this well, ‘di ba? Same with indie films, of course. But ‘yong sad lang sa akin pagdating sa indie films is… bakit ‘yong rest of the world nakakagusto? Pero kapag tayong mga Pilipino, hindi natin nagugustuhan. Which I understand. Kasi naman tayo, we want to watch things that makes us feel better. ‘Di ba?”
Kasama si Sid sa cast ng bagong primetime series ng GMA 7 na My Destiny kung saan balik-tambalan sina Carla Abellana at Tom Rodriguez.
“Medyo complicated ‘yong role ko dito,” aniya. “My character here is a loving brother and a loving son. Nagkaroon lang ng tragedy that brings his family into some form of depression na hindi nila kaya. So he had to leave. Kinailangan nilang pumunta ng States para doon maalagaan ng character ko ‘yong mom niya. Tapos makikilala niya ‘yong character ni Carla do’n. Tapos, matapos silang magkakilala, they decided to come home. And then lahat ng hidden at mga past ng lahat, mari-reveal pa-uwi. Tapos do’n na mangyayari lahat ng conflicts.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan