ILANG LINGGO na lang ang bibilangin at Pasko na naman. Pagkatapos ng pagdiriwang ng Kapaskuhan ay bagong taon naman. Pupusta ako na pagkatapos ng putukan ng bagong taon ay susunod naman ang pagputok ng mga pangalan at tambalan ng mga tatakbo sa pagka-presidente. Ang 2015 ang magiging hudyat ng simula ng mga mas garapalan at pailalim na pangangampanya.
Hindi naman talaga maiiwasan ang ganitong sistema sa ating bansa dahil bahagi na ito ng ating kultura sa politika. Ang mahabang paghahanda sa isang okasyon ay hindi na bago sa atin. Gaya rin ng paghahanda natin sa Kapaskuhan na nagsisimula sa buwan ng Setyembre, kung saan makikita na natin sa mga shopping malls ang maagang paggayak ng Kapaskuhan at pagpapatugtog ng mga awiting Pamasko.
Gaya ng Pasko na biglang bubulaga na lang sa atin sa kabila ng mahabang paghahanda ay ang 2016 Presidential Elections. Mahaba ang mga paghahanda rito ngunit magugulat tayo sa mga pagbabagong magaganap. Ang magandang halimbawa ng isang nakakagulat na pangyayari ang naganap sa atin noong 2010 Presidential Elections. Gaya ng hindi inaasahan ng lahat ay biglang isang Aquino muli ang naging pangulo ng bansa.
MARAHIL AY narinig n’yo na ang mga pangalang pinagtambal gaya ng “Binay Poe!”, “Mar Poe!”, “Miriam Poe!” at “Duterte Poe!” Isa lang ang kapansin-pansin dito at sigurado akong alam n’yo na ito. Ang lahat ay tila nakikiusap dito kay Senator Grace Poe para maging kasangga ng ginagalang na senadora sa eleksyon sa 2016. Maliwanag din sa sikat ng araw ang intensyon ng mga presidentiables na ito, ang magpabango gamit ang malinis na pangalan ni Poe. Ito’y sa kabila ng mariing pahayag ni Poe na hindi siya tatakbo sa 2016 para sa posisyong bise presidente o maging presidente man.
Hindi rin natin siguro masisi ang mga presidentiables na ito na kunin si Poe bilang katambal sa 2016 sa dalawang dahilan. Una ay dahil naipakita ni Poe ang kanyang dedikasyon, sipag, talino at katapatan bilang isang senador. Kaya magandang makasama bilang bise presidente ang isang Poe dahil bukod pa sa mga katangiang nabanggit ay dala rin niya ang pangalang “Poe” na minahal at sinuportahan ng masa. Pangalawa ay baka natatakot din ang mga presidentiables na talunin sila ni Poe sa pagka-presidente kung tumakbo ito sa eleksyon bilang independent candidate.
Kung ang mga tambalang pangalang “Binay Poe!”, “Mar Poe!”, “Miriam Poe!” at “Duterte Poe” ay tila may dating na nakikiusap sa mga tao, mas may bigat naman ang pakiusap na “sige na Poe!” Marami nang mga pribadong organisasyon na minsan na ring lumapait noon kay PNoy upang himukin siya na tumakbo para maging pangulo, at ngayon ay nagsisimula na namang pakiusapan si Senator Grace Poe para ikonsidera ang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2016.
MALAKI RIN kasi ang pagkakatulad ng sitwasyon ni PNoy noon at sa sitwasyon ng senadora ngayon. Isa na rito ang imahen ng pagiging matuwid at malinis. Kung nakuha ni PNoy ang imahen na ito sa kanyang mga magulang na sina Cory at Ninoy Aquino, masasabing nakuha rin ng sSenadora ang ganitong imahen sa kanyang ama na si Fernando Poe Jr. o mas kilala sa bilang FPJ. Bida sa pelikula at tagapagtanggol ng mga inaapi. Ito ang hindi matatawarang imahen ni FPJ na marahil ay nagpanalo kay Poe bilang top 1 sa senatorial election race.
Pagkalipas ng tatlong taong pagiging senador ay tila lalo pang pinatunayan ni Poe ang imaheng ito sa mamamayan. Ito ang dahilan kaya marami ang humihiling na mabago ang kanyang pahayag at desisyon na manatiling senador muna hangga’t matapos ang kanyang unang termino. Marami ang nagsasabing siya lang ang nalalabing maaaring pagkatiwalaan ng taong bayan na mamuno sa ating bansa. Bukod pa sa kanyang katapatan sa taong bayan ay nagpakita rin kasi ang senadora ng kagalingan bilang isang public servant.
Ang usap-usapang siya ang bagong “bet ng bayan” ay malaking salik din para sa kanyang pagkapanalo bilang presidente sa 2016. Ito ang katulad na kapalarang dumating kay PNoy noong 2010. Lumabas ang tila sentimyento ng taong bayan na gusto nila si PNoy ang tumakbo at hindi si Mar Roxas. Halos ganito rin ang lumalabas ngayon sa mga pag-aaral na may parehong sentimyento ang taong bayan noon para kay Pnoy at sentimyento ng taong bayan ngayon para kay Sen Grace Poe. Lahat ay sila nagsasabing sige na Poe!
ANG “SIGE na Poe” ngayon ay nagkakaroon ng dalawang kahulugan. Una, ang “sige na Poe!” ay isang pakiusap ng mga nagnanais kumandidato para pagkapangulo kay Poe na pumayag siyang makasama sila sa tambalan. Pangalawa, ang pakiusap na “sige na Poe!” ay nagmumula sa mga tao na gusto si Poe na tumakbo bilang pangulo ng bansa.
Sa pananaw ko ay hindi malayo na ang pangalawang kahulugan ang sorpresang bubulaga sa atin sa 2016. Ang “sige na Poe!” ang maaaring magluklok kay Sen. Poe bilang bagong pangulo ng Pilipinas sa 2016 gaya ng pagkakalulok kay PNoy noong 2010. Sabi nga sa isang pilosopiya ay “Vox Populi, Vox Dei!” o “the voice of the people is the voice of God.” Makatatanggi kaya si Sen. Poe kung ito ang sitwasyon?
Ang Wanted sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo